(Dahil sa Dengue outbreak) PARAÑAQUE NASA STATE OF CALAMITY

DENGUE

NAGDEKLARA ngayon ang lokal na pamahalaan ng Pa­rañaque ng ‘state of calamity’ hinggil sa dengue outbreak na nakaapekto na sa 15 barangay sa lungsod.

Ito ay napag-alaman kay Pa­ranaque City Administrator Fernando ‘Ding’ Soriano na nagsabing 15 sa 16 na barangay sa siyudad ay apektado ng dengue outbreak.

Ayon kay Soriano, ang Barangay San Martin de Pores na lamang ang nananatiling dengue-free at hindi apektado ng nakamamatay na sakit.

Base sa datos at ulat na isinumite sa kanya ng City Health Division (CHD), sinabi ni Soriano na apat na ang nasawi nitong taong ito hanggang sa kasalukuyan.

Dagdag pa ni Soriano, ang pagdedeklara ng dengue outbreak sa lungsod ay napapailalim sa isang resolution ng City Risk Reduction and Management Council (CRRMC) dahil “alarming” ito na nakaapekto na sa 15 barangay ng lungsod.

“Very alarming na ito at kinakailangan nang mag-state of calamity na ang lungsod at out of 16 barangays ay isa lang ang hindi naapektuhan ng dengue,” ani Soriano.

Nito lamang Setyembre 21 ang huling nasawi sa sakit na dengue ngunit hindi na binanggit kung saan barangay ito.

Idinagdag pa ni Soriano, mahigpit nilang mino-monitor ang 15 barangay na apektabo nang dengue. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.