(Dahil sa drug trafficking) 2 PINOY BINITAY SA CHINA

KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Sabado ang pagbitay sa dalawang Pinoy sa China dahil sa drug trafficking.

Binanggit ang Philippine Consulate General sa Guangzhou, sinabi ni DFA spokesperson Ma. Teresita Daza na ang pagbitay ay isinagawa noong Nobyembre 24.

Hindi niya pinangalanan ang dalawang Pinoy alinsunod na rin sa kahilingan ng kanilang mga pamilya.

Ayon sa DFA,  ginawa na ng Philippine government ang lahat ng posibleng hakbang, kabilang ang pagsasagawa ng  high-level political representations, para iapela ang kaso ng dalawang Pinoy sa Chinese government at mapababa ang sentensiya sa life imprisonment.

Subalit binanggit ang internal laws ay pinagtibay ng Chinese government ang parusang kamatayan.

“Our repeated appeals were consistent with the laws and values of our nation, which put the highest premium on human life,” sabi ni Daza.

“In the end, the Chinese government, citing their internal laws, upheld the conviction, and the Philippines must respect China’s criminal laws and legal processes.”

Dagdag pa ni Daza, nagbigay ang DFA ng lahat ng legal assistance sa dalawang Pinoy magmula nang maaresto sila noong 2013 hanggang sa kanilang criminal trial at iba’t ibang apela makaraang sentensiyahan sila noong  2016.

Aniya, nagbigay rin ng tulong ang pamahalaan sa kanilang mga pamilya at sinamahan ang mga ito kamakailan sa compassionate visit sa Guangzhou, gamit ang  DFA Assistance to Nationals Fund.

“We offer our most  sincere condolences to their families and loved ones. We respect the wishes of their families for privacy, and as such are withholding  the identities of the two Filipinos,” sabi pa ni Daza.

Ipinaliwanag niya na naantala ang pag-anunsiyo ng  DFA sa pagbitay dahil hinintay pa nila ang formal notification ng Chinese government.                                                                 (PNA)