(Dahil sa isyu sa POGOs)PH NASA TOURISM BLACKLIST NG CHINA

INILAGAY ng gobyerno ng China ang Pilipinas sa blacklist bilang tourist destination dahil sa patuloy na pagkakasa ng operasyon laban sa offshore gaming.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, kinumpirma ito sa kanya ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.

Si Huang ay nag-courtesy call sa Senado.

Ayon kay Zubiri, ginawa ng Chinese government ang hakbang dahil sa pangambang ang kanilang mga mamamayan na nagpupunta sa Pilipinas ay masangkot sa ilegal na aktibidad ng mga sindikatong nagpapatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Aniya, sinabi ni Huang na nangangamba ang pamahalaan ng China na posibleng mabiktima ng kidnapping o mapagkamalan na POGO operators ang mga Chinese tourist.

Ayon kay Zubiri, bago magkaroon ng pandemya ng COVID-19, pinakamalaking bilang ng mga turista sa bansa ay pawang Chinese.

LIZA SORIANO