(Dahil sa mababang suplay, mataas na demand) PRICE HIKE SA ITLOG

ITLOG-5

TUMAAS ang presyo ng itlog dahil ss mababang suplay at mataas na demand ngayong ‘ber’ months, ayon sa isang industry official.

Sa ulat ng GMA News online, sinabi ni United Broiler Raisers Association at Philippine Egg Board Association chairman Gregorio San Diego na ang farmgate prices ng itlog ay tumaas ng P0.20 hanggang P0.30.

Nangangahulugan ito na ang average farmgate price ng isang medium-sized egg ay nasa P6.55 kumpara sa dating P6.35.

Sinabi ni San Diego na ang mababang suplay ng itlog ay dulot ng mga nagdaang bagyong Egay at Goring na nakaapekto sa poultry industry sa norte, gayundin ng epekto ng bird flu na tumama sa bansa.

“Nitong mga nakaraang buwan, talaga namang lugi ang mga nasa negosyo ng paitlugan kasi… mura ang presyo ng itlog pero tumataas ang aming cost lalo na ang feeds, fuel, at kuryente,” pahayag niya sa panayam sa Super Radyo dzBB.

“Kapagka P5.00, lugi na kami diyan kasi ang kinakain ng isang manok sa isang araw ay halos P5.00 na, feeds pa lang ‘yan,” dagdag pa niya.

Maaari aniyang magtagal ang mababang suplay ng itlog hanggang sa first semester ng 2024, at maaaring mag-normalize sa second half ng susunod na taon.