(Dahil sa oil spill) NO CATCH, NO SELL ZONE SA SHELLFISH SA CAVITE

IDINEKLARA na ng Local Government Unit ng Cavite na ‘No catch, No sell zone’ sa lahat ng shellfish na makukuha sa mga coastal areas sa lalawigan dahil sa masamang epekto ng pagkakatapon ng langis sa Bataan.

Batay sa ipinalabas na Executive Order No. 38 series of 2024 na nilagdaan ni Governor Jonvic Remulla noong Hulyo 31, ang pagtagas ng langis na dulot ng MT Tera Nova na lumubog sa Limay, Bataan ay nakaapekto sa mga baybaying dagat ng Lalawigan ng Cavite kabilang ang mga Lungsod ng Bacoor at Cavite at ang mga Bayan ng Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon at Ternate.

Matapos ang nasabing insidente, ang mga kabibe na nahuhuli mula sa mga apektadong baybaying dagat ay nagpapakita ng mga malinaw na palatandaan ng epekto mula sa pagtagas ng langis na dulot ng MT Tera Nova.

Magugunitang ipinalabas ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 3228-2024 na nagdedeklara na ang mga apektadong baybaying dagat ay nasa ilalim ng state of calamity dahil sa mapaminsalang epekto ng pagkakatapon ng langis.

Batay sa Seksiyon 16 ng RA 7160 o Local Government Code of 1991 ay nagtatakda na ang bawat yunit ng lokal na pamahalaan ay dapat gumanap ng mga kapangyarihang tahasang ipinagkaloob, kasama na ang mga kapangyarihang likas dito gayundin ang mga kapangyarihang kailangan, angkop o kaugnay para sa mahusay at epektibong pamamahala at yaong mga mahalaga sa pagtataguyod ng kapakanan ng bayan, kalusugan at kaligtasan at pagpapabuti ng karapatan ng mga tao sa isang balanseng ekolohiya.

RUBEN FUENTES