NATIGIL ang pag-arangkada ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) kahapon dahil sa ginawang pag-upgrade ng kasalukuyan nitong signalling system.
Ayon sa Light Rail Manila Corporation (LRMC), ang private operator at maintenance provider ng LRT-1 ay nagsagawa ng serye ng test runs at trial runs upang matiyak ang kahandaan nito sa bagong signalling system.
Nabatid na ang railway signalling o traffic light system para sa railway ay isang sistema na ginagamit para i-direct ang railway traffic at tiyaking hindi magkakabanggaan ang mga tren sa lahat ng pagkakataon para sa maayos at ligtas na operasyon nito.
Kinakailangan umano ang pag-upgrade ng sistema sa bagong Alstom signalling system upang ma-accommodate ang commercial use ng 4th Generation train sets sa existing system na target na masimulan sa kalagitnaan ng taong 2022.
Una nang sinimulan ng LRT-1 ang pag-aayos ng signalling system noong Nobyembre 28, 2021 at ipinagpatuloy lamang nitong Linggo.
Inaasahan namang muling magsususpinde ng operasyon ang LRT-1 sa susunod na Linggo, Enero 30 para ipagpatuloy ang naturang aktibidad.
Ang LRT-1 ang siyang nag-uugnay sa Roosevelt, Quezon City at Baclaran sa Parañaque City. EVELYN GARCIA