(Dahil sa Taal eruption P1.2-B LUGI) SA COFFEE INDUSTRY

TINATAYANG aabot sa P1.2 billion ang mawawala sa coffee industry sa Batangas at Cavite na kilala sa Liberica o ‘barako’ variety dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal, ayon sa Philippine Coffee Board Inc. (PCBI).

Sa isang press conference sa Makati City, sinabi ni PCBI director Rene Tongson na ang pinsala sa coffee crops sa dalawang lalawigan ay nasa P600 million.

Gayunman, ang potential revenue losses ay maaari ­aniyang umabot sa P1.2 billion dahil ang parehong halaga ng nawala mula sa pagsabog ng Bulkang Taal ay madadala sa susunod na taon bilang ‘unrealized revenue’.

“Ang mawawala ngayon is next year ‘yan na hindi natin mukukuha,” ani Tongson.

Ayon pa sa PCBI director, aabot ng dalawang taon bago makabawi ang industriya mula sa kalamidad.

Ang Batangas at Cavite nagkakaloob ng 10% hanggang 15% o 5,000 metric tons ng total coffee production ng bansa.

Dagdag pa ng PCBI, ang Filipinas ay isa sa apat na bansa na nagpoprodyus ng hindi pangkaraniwang Liberica variety.

Tinatayang 755 ektarya ng lupain na nakalaan sa kape ang nasira sa coffee-growing towns na matatagpuan sa loob ng 16-kilometer radius ng Bulkang Taal tulad ng Ibaan, Lemery, San Jose, at Tanauan.

Bukod sa revenue losses, ang presyo ng barako variety ay maaaring tumaas dahil sa pagbawas ng supply, dagdag pa ni Tongson. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM