BINIGYANG-DIIN ni House Deputy Minority Leader at Marikina City 1st Dist. Rep. Bayani ‘BF’ Fernando na dapat nang gibain ang F. Manalo bridge, na nagdurugtong sa Quezon City at Pasig City dahil ito umano ang dahilan ng matinding pagbabaha sa lungsod.
Ayon sa ranking House official, walang basehan at maling-mali ang alegasyon na ang BF Central Terminal ang nagpakitid sa Marikina River kung kaya umano naranasan ang panibagong malaliman at malawakang pagbaha sa kanilang lugar matapos ang pagragasa ni typhoon Ulysses noong nakaraang taon.
Sinabi ni Fernando na makaraang magawa ang Manalo bridge, ang lapad ng ilog sa bahagi iyon ay naging 65 meters na lamang mula sa 120 meters na siyang dapat na lawak nito.
“Ang problema ay naroroon sa Brgy. Manggahan, Pasig City at Brgy. Bagumbayan, Quezon City, na may 2.5 kilometro ang layo mula sa Marikina City kung saan naroroon ang F. Manalo Bridge at nagkokonekta sa Caruncho Avenue sa Pasig at sa kabilang pampang, ang Calle Industriya sa Bagumbayan, Quezon City,” pahayag ng mambabatas.
Aniya, ang nasabing lugar ay nasa 200 metro lamang bago dumating sa bunganga o pasukan ng Manggahan Floodway, na nagdadala ng malaking bahagi ng tubig baha sa Laguna Lake.
“Nawala ang saysay ng Manggahan Floodway dahil sa napipigil ng napakakitid na F. Manalo Bridge ang tubig baha,” sabi pa ni Fernando.
Inilahad din ng three-termer Marikina City mayor at dating Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman na noong 1997 pa lamamg ay napansin na niya ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig sa ilog mula nang matayo ang nasabing tulay.
“Kailangan nang sirain ang tulay na ito, ang F. Manalo Bridge. Sa katunayan, mayroon na akong pormal na letter request sa DPWH ukol dito at ipinagbigay-pansin ko rin ito kay Sec. Mark Villar nitong nakaraang budget hearing sa Kongreso,” ani Fernando. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.