DALAGA AT KASAMANG BINATA PINAGBABARIL

pinagbabaril

LAGUNA – MAGKASUNOD na binawian nang buhay ang 23-anyos na dalaga kabilang ang kasamahan nitong binata matapos tambangan ang mga ito ng tatlong hindi pa nakikilalang bilang ng mga kawatan habang papauwi ang mga ito ng kanilang tirahan lulan sa isang motorsiklo sa Brgy. Pittland, Lungsod ng Cabuyao kahapon ng madaling araw.

Sinasabing katatapos pa lamang ng kaarawan kahapon ng biktimang si Carla Camille Perez sa Lungsod ng Tagaytay kasama ang malapit nitong kaibigan at kasamahan sa trabaho na si Kim Earvin Mabuyo, 20, pawang mga Production Operator ng Samsung Electro-Mechanics Philippines at residente ng Lungsod ng Calamba nang tambangan at pagbabarilin ang mga ito ng mga suspek.

Batay sa isinagawang inisyal na pagsisiyasat ng mga tauhan ni PLt. Col. Reycon Garduque, hepe ng pulisya, dakong alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang nasabing insidente.

Lumilitaw na angkas ng biktimang si Mabuyo sa kanyang minamanehong motorsiklo si Perez mula sa Lungsod ng Tagaytay matapos mag-diwang ng kanyang kaarawan ng pagplanuhang tambangan at holdapin ng tatlong kawatan kung saan nagawa pang pagbabarilin ang mga ito hanggang sa mapatay.

Agarang binawian ng buhay sa lugar ang biktimang si Perez bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang ulo at katawan habang si Mabuyo ay nagawa pang maisugod sa Global Medical Center kung saan doon ito nilapatan ng lunas subali’t namatay rin makalipas ang mahigit na isang oras.

Tinangay ng mga suspek ang sinasakyan nilang motorsiklo kabilang ang bag na naglalaman ng cellphone, ATM cards, hindi pa mabatid na halaga ng salapi at iba pang personal nilang mga kagamitan bago mabilisang nagsitakas patungo sa Brgy. Casili.

Kaugnay nito, patuloy ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng pulisya sa kaso at ang agarang pagkaka­kilanlan sa mga suspek na responsable sa krimen. DICK GARAY

Comments are closed.