“Sadly enough, the most painful goodbyes are the ones that are left unsaid and never explained.”…
Papano ba maka-“move on” ang isang inang nawalan ng anak?
Mayo ngayon, at malapit na ang Mothers’ Day. Dapat lang na tungkol sa mga ina ang artikulo, pero lahat na yata ng artikulo tungkol sa isang ina ay naisulat na.
Fortunately, nagdrama ang isa kong tita na namatayan ng anak, isang taon na ang nakalilipas – na syempre, pinsan ko rin. Pero na-touch din ako sa kwento ng isang inang classmate naman ng Mommy ko noong elementary at high school. Si Barbara Roma Asistin.
Mahal na mahal ni Tita Barbara ang kanyang nag-iisang anak na si Gay Bee Asistin. Nag-iisa niya itong anak kaya ibinigay niya ang lahat ng inaakala niyang makapagpapasaya dito, ngunit hindi naman siya lumaking spoiled. Actually, napakabait daw nito at napakalambing na anak.
Kaga-graduate lamang ni Gay ng Bachelor of Science in Tourism sa De La Salle University nang bigla siyang pumanaw sa edad na 21. Oo nga at alam niyang may sakit ito sa puso, ngunit inalagaan niya itong mabuti kaya inakala niyang magtatagal ang pagsasama nila. Oo nga at alam niyang hindi magtatagal ang kanilang pagsasama, ngunit kelan ba naging handa ang isang inang mawalan ng anak?
Marami silang plano sa buhay. Magkasama nilang binalak na magtungo sa ibang bansa, doon manirahan upang makapagpagamot na rin, at mabuhay ng masaya at malaya.
Gayunman, noong November 29, 2011 ay lumisan si Gay ng walang paalam. Inatake siya ng kanyang sakit at tuluyang lumisan. Kulang ang luha upang maipakita kung gaano nasaktan di Barbara, ngunit kailangan bang makita nila ito? Hinding hindi mauunawaan ng sino man ang kahungkagan ng puso ng isang nawalan ng anak.
“I can’t explain kung ano ang feeling,” ani Barbara. “Pinakamasakit na ang mawalan ng anak. Basta napakasakit, hindi ko maipaliwanag,” ani Barbara.
Hangga ngayon daw ay hindi pa siya nakaka-move on sa pagkawala ni Gay. Sa loob ng napakahabang panahon – kung tutuusin ay 9 years nang wala ang kanyang anak ngunit nananatiling nakaukit ang mga ngiti at halakhak ni Gay sa kanyang puso at ala-ala. Halos isang dekada na ang nakalipas. Darating at matatapos ang isa pang dekada, ngunit alam niya na hindi huhupa ang sakit.
Ganoon din si Lita Tandog Villafania na nawalan din ng anak na panganay noong June 27, 2020 dalawang araw bago ang kaarawan ng kanyang bunsong si Cleo.
Dalawa lamang ang kanyang anak – ang panganay na si Michael Vincent at ang bunsong si Cleo Felita. Sa loob ng 30 taon ay naging mabuting anak at kapatid si Michael, na walang iniisip kundi ang ikabubuti ng kanyang pamilya. Lahat ng investments niya ay para sa pamilya lamang at ni hindi niya naisip man lamang na magkaroon ng girlfriend.
Sa lahat ng okasyon – birthday, Pasko, New Year, wedding anniversary, hindi nawawala ang kanyang presensya. Sabi nila, walang paborito ang ina, lalo pa at ang mga anak ay bunso at panganay lamang, ngunit dahil mas malambing ni Michael at napakamapagbigay, masasabing mas malapit ito sa kanyang ina. Sa totoo lang, maging ang mga pinsan niyang kambal na kapus-palad sa pagmamahal ng magulang ay naaambunan ng kanyang generosity.
Ngunit dumating ang pandemya kaya pansamantala siyang hindi nakauwi ng mahigit tatlong buwan kahit pa work from home sila. Nagkaroon kasi ng lockdown at hindi siya nakauwi sa kanyang pamilya. Sinuwerte si Cleo na makauwi bago ang lockdown, kaya araw-araw na lamang silang nagbi-video call para magkaroon ng komunikasyon kahit paano.
Sa ikatlong linggo ng Hunyo, medyo lumuwag ang lockdown kaya nakauwi si Michael. Ngunit hindi na itong sinlakas ng dati. Tumaba ito ng husto at nahihirapan na ring huminga. Tatlong araw matapos siyang makauwi, isinugod siya sa ospital dahil sa sabay-sabay na pag-atake ng high blood, sakit sa puso, diabetes at kidney failure.
Tatlong araw siyang namalagi sa ospital bago tuluyang namaalam, matapos paulit-ulit na humingi ng sorry sa kanyang mga magulang.
Maraming kwento sa kani-kanilang anak sina Barbara at Lita. Naroong sisihin nila ang kanilang mga sarili dahil napabayaan daw nila ang mga ito lalo na noong maysakit ang mga ito. Hinaing nila, hindi raw nila gaanong naasikaso nang mabuti ang kanilang anak.
Hanggang sa mga sandaling ito, hindi matapos ang pagluha nina Lita at Barbara. Masakit ngunit pinipilit nilang kayanin. Si Gay ang inspirasyon ni Barbara sa masalimoot niyang buhay, habang si Michael naman ang kaagapay ni Lita sa lahat ng mga gastusin sa bahay.
Ligtas na sina Gay at Michael sa lahat ng sakit at problema, ngunit sina Barbara at Lita ay nananatiling nakatali sa kalungkutan. Kailanman ay hindi sila lalaya. Naiwan sina Barbara at Lita. Kailan nga ba sila tunay na makakalaya sa pagdadalamhati? Paano nga ba mag “move” on?
Kapit lang. Patuloy ang panalangin ng dalawang ina — kasi, patuloy din ang buhay. JAYZL VILLAFANIA NEBRE