CAVITE – KALABOSO ang binagsakan ng 41-anyos na contractor matapos nitong ratratin ang dalawang bisita sa birthday party ng kanyang anak na lalaki sa kanilang bahay sa Heart Foundation 1 Subd. sa Barangay Santol, bayan ng Tanza, Cavite noong Linggo ng gabi.
Nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal ang suspek na si Antonio Onaro Jr. y Ballon habang nasa kritikal namang kalagayan sa Divine Grace Hospital sa General Trias City ang mga biktimang sina Luciano Mijares y Calunsad, 52, at Reynaldo Regalado y Lolo, 31, kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Batay sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, inimbitahan ng suspek sa birthday party ng kanyang anak na lalaki ang dalawang biktima na nakipag-inuman naman ng alak sa iba pang bisita.
Gayunman, habang nakikipag-inuman ay biglang nagselos ang suspek na lango na sa alak makaraang mamataan ang kanyang common law wife na si Alona Gapo na nakikipag-usap sa biktimang si Mijares.
Dito na kinompronta ng suspek si Mijares sabay na pinutukan sa tiyan kung saan tinangka namang mamagitan ni Regalado subalit maging ito ay pinutukan din sa tiyan at kanang braso saka tumakas ang gunman.
Naisugod naman sa nabanggit na pagamutan ang dalawang biktima habang nasakote na ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya kung saan nasamsam ang isang cal. 9mm pistol na kargado ng dalawang bala.
Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala habang nahaharap naman sa kasong attempted double homicide at illegal possession of firearms ang suspek na kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal. MHAR BASCO