DALAWANG MIYEMBRO NG BASAG-KOTSE TIMBOG

basag kotse

CAVITE – NAGWAKAS ang modus operandi ng dalawa sa apat na miyembro ng Basag-Kotse Gang na nambibiktima ng mga SUV sa kahabaan ng Aguinaldo High-way makaraang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang malawakang manhunt operation sa Tagaytay City kamakalawa ng gabi.

Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Carlo Pantaleon y Teston, 28-anyos ng 1255 Bambang, Tondo, Manila; at Jefferson Sanchez y Manalang, 28-anyos ng Brgy. 255, Tondo, Manila at kapwa tricycle driver.

Tinutugis naman ang dalawa pang suspek na sina Jerickson Barinyas at Alyas JL na kapwa residente rin ng Tondo, Manila.

Base sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na unang biniktima ng mga suspek ang isang Toyota Vios na pag-aari ni Juddie Alegre y Gallop, 39-anyos ng Brgy. Bukal sa bayan ng Mendez.

Nabatid na binasag ng mga suspek ang salamin ng kotse na nakaparada sa gilid ng JP Rizal St. Sa Brgy. Galicia 3 bago kinulimbat ang dalawang bag na naglalaman ng malaking halaga at ibat ibang dokumento.

At kasunod na biniktima ng mga suspek ay ang Toyota Hilux (NBH1503) na nasa parking lot ng San Antonio Cafe sa Brgy. Kalaban 2, bayan ng Silang.

Kaagad na dumulog sa himpilan ng pulisya ang may ari ng HiLux na si Mario Bono y Alcazar, 56-anyos ng Brgy. Ilaya sa bayan ng Alfonso at Evangeline Palo y Bay ng Tagaytay City kaya isinagawa ang dragnet operation sa pakikipagtulungan ng mga operatiba ng Tagaytay police at nasakote ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang sinikwat na mga gamit, P15k cash at 2 bag na mamahalin na naglalaman ng P80K at ang motorsiklo na ginamit sa krimen. MHAR BASCO

Comments are closed.