MARAMI sa ating mga kasabong ang matagal mag-heating ng kanilang manok sa ruweda. Okay lang ba ito?
Ayon kay Bangis Magtanggol ng Bangis Gamefarm sa Bulacan, napapansin nya sa panonood niya sa mga video sa mga actual na fights na marami ang matagal mag-heating sa ruweda.
“’Yung iba diyan pormang-porma pa talaga ang mga tagabitaw akala mo ‘pag naipakitang malakas ‘pag pinapalo ang manok niya sa sabungan eh makatutulong sa laban,” sabi ni Magtanggol sa kanyang Facebook post.
Dagdag pa niya, “siguro ito ay parte ng kagustuhan natin maliyamado ang manok natin sa laban. Common sense sigurong masasabi na ang manok na pagod bago pa ibitaw ay bawas na ang lakas nito sa laban.”
Aniya, nakasanayan na marahil ng ilan sa atin dahil ginagawa ng lahat noong araw pa ng mga ninuno natin sa sabong at gaya-gaya siyempre tayo sa iba pero puwede siguro natin laliman ng kaunti ang diskusyon kung bakit ‘di mo kailangang gawin ito sa manok mo.
Tanong niya, “bakit nga ba hindi okay na mapagod ang manok sa heating?”
“Unang-una, ano ba ang purpose ng heating? Ang purpose po niyan talaga ay para gisingin at galitin or painitin ang manok mo kaya po heating ang tawag natin pinaiinit natin sila. ‘Yung iba ginawang parang boxing sa tao na ang heating ay pinapagod sa ehersisyo ang manok para raw banat ang buto at mainit ang katawan. Pero bird (Avian) specie po ang manok hindi tao (mammal),” paliwanag niya.
“Pangalawa, bakit ba tayo nagke-keeping at nagka-carbo loading? Hindi po ba para mapahinga ang manok at makapagkarga ng reserbang lakas sa araw ng laban? Eh bakit during heating, eh pinapapalo at pinapakaskas natin nang husto mga panlaban natin to the point na hingal sila? Pinalilipad pa nga minsan eh. Para ano? Para magising? Para ma-stretch?” dagdag pa niya.
Sa kanyang palagay ay mali ‘yang nakagawian natin. Kasi ang paghi-heating ay para lamang galitin ‘yung manok at hindi pinapagod.
“Hindi naman po pinapawisan ang manok eh. Hihingalin lang ang manok mo pag nag-init ang katawan. Kung humihingal na ang manok mo bago mo bitawan, bawas na ang lakas niya,” ani Mangtanggol.
“Kung pagod na manok mo, hindi ito makalilipad nang husto sa gusto mo. Kung humihingal na siya pagbitaw, baka hindi bumaon nang husto ang tari sa una o pangalawang salpukan na pinaka-critical na parte ng laban ‘yung unang bugso na paluan kasi make or break ‘yun ng manok natin lalo na sa stagan. Sa sobrang lambot ng laman ng stag, ‘pag naunahan ka, malamang talo ka na,” paliwanag niya.
Kapag hindi siya nakasugat sa kalaban sa una o pangalawang salpok, malamang delikado tayo.
“’Yun din ang dahilan kung bakit minsan e sa tingin mo pasok na pasok naman ang paa ng manok mo pero hindi ininda ng kalaban. At sasabihin mo nagantihan pa kasi kaya ka natalo. Hindi kaya dahil pagod na ang manok mo kaya mahina ang diin ng palo niya?”
“So, sa susunod na laban n’yo, try n’yo naman na heating lang talaga at hindi workout. Save the energy you built inside your rooster nung nasa keeping period siya. Patuka lang, pakagat sa leeg, sa pulok, sa likod o saan man parte na gusto mo. Huwag mong isampok, pakahigin, paliparin at papaluin. In short, pagalit lang huwag pagurin,” dagdag pa niya.
Para pagbitaw mo sa manok mo, ‘yung unang lipad o unang palo ay talaga namang todo bigay at lumalatay.
Comments are closed.