MARAMI sa atin ang inaantok matapos kumain, ito ay nangyayari lalo na kapag busog. Hindi maiiwasan ang mga ganitong sitwasyon lalo na kapag ikaw ay komportable pagkatapos ku-main.
Iyong iba naman ay nagkakaroon ng insomnia depende sa kung ano ang kinain bago magpahinga o matulog.
Kailangan ng katawan natin ang tulog, pero mas kailangan din nating tingnan ang mga pagkain na paborito natin at kinakain bago matulog.
Laging siguraduhin na ito ay masustansiya at hindi nakasisira sa kalusugan.
Narito ang mga pagkain na dapat iwasang kainin bago matulog:
MAANGHANG NA PAGKAIN
Masama ang pagkain ng maanghang bago matulog. Ilan sa mga pagkaing may sangkap na sili, curry sauce, hot sauce at paminta ay ilan sa dapat iwasang kainin bago ang humilata sa kama.
Ayon din sa pag-aaral, ang mga taong mahilig sa maanghang ay hindi nakatutulog nang maayos.
KAPE AT ENERGY DRINK
Alam naman ng lahat na ang caffeine ay nakapagpapagising. Ito ay iniinom ng mga taong gustong magising ng ilang oras lalo na kapag nag-aaral. O kailangang magpuyat dahil may kailangang tapusin na trabaho.
Malaki nga naman ang naitutulong ng pag-inom ng kape nang magising tayo.
Ang energy drink naman ay mas malakas ang epekto sa katawan kung ikukumpara sa kape. Ito ay hindi lang pampagising kundi nagpapa-active ng buong katawan bago mag-ehersisyo.
Ngunit kung matutulog na, iwasan ang pag-inom nito nang hindi maapektuhan ang pagtulog.
SOFTDRINKS
Gaya ng kape, ang softdrinks ay may caffeine. Ito rin ay may mataas na sugar content na ipinagbabawal inumin bago matulog.
Kaysa softdrinks, mas mainam kung green tea na lang ang iinumin nang kumalma at makatulog ng mahimbing.
KARNENG BABOY, BAKA AT TABA
Ipinagbabawal din ang pagkain ng karneng baboy, baka at taba dahil ito ay mahirap tunawin sa tiyan lalo na kapag patulog na.
Okay lang din naman na kumain ng mga nabanggit na pagkain basta’t kaunti lang.
ALAK
Akala ng marami ang pag-inom ng alak ay nakatutulong para makatulog kaagad.
Pero ang totoo niyan ay hindi.
Gigisingin ka pagkatapos ng ilang oras ng pagtulog at bibigyan ka ng hangover kung saan magiging dahilan upang mahirapan kang makatulog ulit.
Ilan lamang ito sa mga pagkain at inuming puwedeng iwasan upang magkaroon ng mahimbing na tulog.
(photos mula sa medical newstoday)
Comments are closed.