DAR TIGIL OPERASYON DAHIL SA COVID-19

DAR

IPINATIGIL pansamantala ang operasyon sa loob ng Department of Agrarian Reforms (DAR) Central Office makaraang magkaroon ng banta ng COVID-19 sa lugar.

Sa isang memorandum order, agad sinuspinde ni DAR Secretary John Castriciones ang operas­yon ng kagawaran nitong Martes, Hulyo 14, alas-3 ng hapon matapos makumpirmang nagpositibo ang isang opisyal nito.

Epektibo ang tigil operasyon simula Hulyo 15 hanggang Agosto 2, 2020 habang magiging work from home ang sistema ng mga tauhan habang isinasailalim sa complete disinfection ang buong gusali ng DAR.

Kasalukuyan na ring nakikipagtulungan ang DAR sa Department of Health (DOH) para sa pagsasagawa ng swab testing sa lahat ng empleyado ng DAR na direktang nakasalamuha ng opisyal na nahawaan ng naturang virus.

Sasailalim sa test ang mga empleyado simula ngayong araw.

Napag-alamang magsasagawa rin ng komprehensibong contact tracing ang Chief Protocol Officer ng DAR bilang pagsunod sa mga panuntunan ng  DOH.

Inatasan din ni Castriciones ang lahat ng empleyado na ideklara ang kanilang mga health status bilang tugon sa monitoring at safety protocols.

Tiniyak naman ni Castriciones na magpapatuloy ang trabaho ng kanilang ilang tanggapan critical office functions, subalit ito’y ske­letal workforce habang nasa lockdown period ang gusali. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.