DASAL PARA SA BATANES

BATANES-2

UMAAPELA ang isang obispo ng panalangin para sa mamamayan ng isla ng Batanes partikular na sa bayan ng Itbayat, na niyanig ng 5.4 magnitude na lindol nitong Sabado, at nagresulta sa pagkamatay ng walo katao, pagkasugat ng may 60 iba pa at pagkasira ng mga ari-arian doon.

Ayon kay Batanes Bishop Danilo Ulep, patuloy pa ang kanilang pagmo-monitor sa pinakamalayong isla ng Batanes sapagkat nanatiling pahirapan ang pagpunta sa Itbayat.

Inaalam pa rin nila ang lawak ng pinsala na idinulot ng lindol.

“We are trying to find a way including my priest how to get their [Itbayat] to monitor, hopefully the government and the militar will be able to send some rescue mission in Itbayat kasi ang problema ang pagpunta doon right now,” anang obispo, sa panayam sa church-run Radio Veritas.

Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), unang yumanig ang 5.4 magnitude na lindol dakong 4:16 ng madaling araw, na nasundan pa ito ng ilang malalakas rin na aftershock.

Sa inisyal na pahayag ni Itbayat Mayor Raul de Sagon, walong katao ang nasawi habang higit sa 60 ang nasugatan dahil sa pagbagsak ng kanilang mga bahay dahil naganap ang lindol sa kahimbingan pa ng kanilang pagtulog.

Sinabi ni Ulep na kabilang sa mga sinira ng lindol ay ang simbahan ng Itbayat na bumagsak ang ilang bahagi at nagtamo ng maraming mga bitak.

Dalangin naman ng Obispo na nawa’y pagkalooban ng Panginoon ng kalakasan at katatagan ang bawat mananampalataya sa Ba-tanes na apektado ng lindol lalo na ang pamilya ng mga nasawing biktima.

Ang naturang pagyanig sa Batanes ay naganap kasabay nang pagsasagawa ng ikalimang ‘Duck, Cover Hold Metro Manila Shake Drill’ kahapon, na bahagi ng paghahanda sakaling tumama sa bansa ang pinangangambahang ‘The Big One’.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.