NAGHAIN ng not guilty plea sa Sandiganbayan sina dating Immigration Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles kaugnay sa kaso ng katiwalian, bribery at paglabag sa PD 46 na nagbabawal sa government officials na tumanggap ng regalo o pabor.
Ang kaso ay nag-ugat sa sinasabing pagtanggap nina Argosino at Robles ng P50 milyon na suhol mula sa gambling tycoon na si Jack Lam kapalit ng kalayaan ng mahigit 1,300 na Chinese na iligal na nagtatrabaho sa pasilidad ni Lam sa Fontana.
Hindi naman kasama sa nabasang sakdal sa dalawa ang kasong plunder dahil may nakabitin pang mosyon hinggil dito.
Hindi naman nabasahan ng sakdal ang kanilang co-accused na si Wally Sombero na itinuturong tagapamagitan sa nangyaring suhulan dahil naka-confine ito sa VMCC mula pa noong Mayo 16.
Inatasan naman ng korte ang doktor ng VMMC na magsumite ng report kaugnay ng kalagayan ni Sombero.
Pansamantalang itinakda ng korte ang arraignment kay Sombero sa Hunyo 8 dakong 1:30 ng hapon kasabay ng pre trial ng kanilang mga kaso. CONDE BATAC
Comments are closed.