SULU – NAMATAY noon din dalawang katao kabilang ang dating barangay chairman at kasamahan nito matapos na tambangan ng mga hindi nakilalang mga suspek sa Indanan nitong Sabado.
Sa report ng pulisya, kinilala ang mga biktima na sina Faizal Ibrahim Biao, dating barangay captain ng Kandaga, Talipao, Sulu, at Fadjiri Abdurajan Biao.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, nakasakay ng motorsiklo ang mga biktima mula Jolo, Sulu patungo sa Barangay Kandaga sa Talipao nang pagbabarilin ng mga armadong lalaki sakay ng kotse gamit ang M16 rifle.
Tinamaan ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan kung saan naging sanhi ng agarang pagkamatay ng mga ito.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy naman ang isinasagawang malalimang pagsisiyasat ng mga awtoridad hinggil sa nasabing pamamaslang.
EVELYN GARCIA