MARIING binatikos ng pitong pinakamalalaking transport groups sa bansa ang dayuhang information technology (IT) platform ng Land Transportation Office (LTO) na Land Transportation Management System (LTMS) dahil sa umano’y kakulangan nito sa pagsasaayos ng proseso sa ahensiya.
Sa ginanap na press conference sa Quezon City, sinabi ng mga lider ng Pangkahalatang Sanggunian Manila at Suburbs Drivers Association (Pasang-Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), PISTON, Stop&Go, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Liga ng Transport Operators sa Pilipinas (LTOP), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at grupo ng mga PUV sa Blumentrit na napag-alaman nilang hindi pa konektado ang LTMS sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Dahil dito, malayang makabibiyahe ang mga kolorum na mga public utility vehicles (PUV) dahil walang kakayahan ang mga awtoridad na beripikahin ang prangkisa ng mga ito. Ito aniya ay isang malaking sampal sa kanilang mga grupo na sumusunod sa mga patakaran ng LTO at LTFRB na higit na naghihirap ngayon dahil sa mataas na presyo ng langis.
Dismayado rin ang grupo sa tila usad-pagong na pagpoproseso ng lisensiya at rehistro ng sasakyan sa LTO dahil apektado rito ang kabuhayan ng kanilang mga tsuper. Dahil sa pagbabagal ng LTMS, hindi maiiwasang magpabalik-balik ang mga tsuper para lang makumpleto ang kanilang transaksyon, ngunit ang kapalit naman nito ay ang ilang araw na walang kita. Imbes na ayusin anila ang sistema, tila nakikipag-away pa raw sa LTO ang dayuhang IT contractor na Dermalog. Napuna rin daw nila na walang technical support team ang Dermalog sa mga LTO site na makatutulong sana sa mabilisang pagsasaayos ng mga aberya para hindi na humaba ang pila.
Makikipagpulong ang naturang transport group leaders sa bagong pamunuan ng LTO para makatulong sa pagsasaayos ng ilang mga isyung kinakaharap ng kanilang hanay. Nagpahayag din sila ng suporta sa kasalukuyang pamunuan ng LTO na umano’y laging handang makinig sa kanilang hinaing.
Hinimok din ng grupo ang mga mambabatas na simulan na ang imbestigasyon sa IT system ng dayuhang contractor ng LTO. Matatandaang naghain ng resolusyon si Senate Minority Leader, Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III upang imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang sinasabing “undue payment” ng pamahalaan sa Dermalog sa kabila ng mga kakulangan nito. Isang pagdinig din ang ikinakasa sa Kongreso. BENEDICT ABAYGAR, JR.