SINIGURO nina Jennuel Booh De Leon at Arabella Nadeen Taguinota na hindi uuwing bokya sa gold medal ang Team Philippines matapos ang impresibong panalo sa kani-kanilang kategoya sa ikalawang araw ng 45th Southeast Asia Age Group Swimming Championships nitong Biyernes sa Jakarta, Indonesia.
Nadomina ni De Leon, 16, pambato ng Aklan, ang boys 16-18 class 50m butterfly sa tiyempong 25.40 segundo laban sa Malaysian swimmer na si Bernie Elle Yang Lee, 25.49. Nakopo ni Thanaseat Thanonthisitsakul ng Thailand ang bronze (25.72).
Dinugtungan ng 14-anyos na si Taguinota ang selebrasyon ng Team Philippines na nabuo sa masinsin na National tryouts na isinagawa ng bagong liderato ng Philippine Aquatics sa pamumuno nina President Miko Vargas at Secretary-General Batangas 1st District Congressman Eric Buhain.
Naisumite ni Taguinota ng Pasig City ang tiyempong 1:13.40 para pagwagian ang girls 14-15 class 100m breastroke laban sa premyadong Vietnamese na si Thuy Hien Nguyen (1:14.07) at kay Natthakita Leekitchakorn ng Thailnd (1:14.50).
Humataw naman ng silver medal si Estifano Joshua Ramos sa 16-18 boys 200m backstroke sa oras na 2:10.39 sa likod ng gold medalist na si Tran Tuan Mai ng Vietnam (2:06.10). Pangatlo si Pasawat Kantakom ng Thailand (2:13.06).
Nakopo naman ni Aishel Cid Evangelista mula sa Caloocan City ang ikalawang bronze medal matapos pumangatlo sa 13 & Under Boys 200m Freestyle sa tiyempong 2:05.12 laban kina
Patchanan Chinmatchaya ng Thailand (1:59.13) at Suphakphong Nuntapiyawan (2:02.11).
“We’re very happy and very excited. Actually, double happy dahil naka-bronze medal din ang ating diver. Nakakuha tayo ng medalya sa dalawang discipline proving that we’re on the right direction,” pahayag ni Buhain patungkol naging kampanya ni Joseph Reynado laban sa siyam na kalahok sa Boys Platform event (16-18).
Ang 16-anyos na si Reynado ay isa sa apat na divers na isinama ni Buhain sa koponan sa pangangasiwa nina dating SEAG medalist coach Nino Carog at Marie Michie.
Sa unang araw ng kompetisyon nitong Huwebes, kumubra ang Team Philippines ng walong medalya, tampok ang dalawang silver medals ni National junior record holder sa 13-under class Jamesray Ajido sa boys 14-15 100m fly (57.12) at 100m back (1:00.68).
Nagwagi naman ng bronze medal sina De Leon (16-18 50m free, 24.35); Clark Kent Apuada (14-15 50m free, 24.64); Kalil Taguinod (16-18 50m breast, 29.99); Ivo Enot (16-18 100m back, 59.21); Mishka Sy (16-18 200m IM, 2:23.29); at Aishel Evangelista (13-under 200m IM, 2:19.83).
-EDWIN ROLLON