DECLUTTERING MODE SA ENERO

ISA  sa mga bagay na ginagawa ng marami sa atin tuwing Enero, bukod sa pagbuo ng New Year’s Resolutions at pag-attend ng mga retreat, ay ang paglilinis ng bahay.

Itinatapon ang mga basura, ipinamimigay o ibinebenta ang mga mapakikinabangan pa, at inaayos sa taguan ang mga nais pang itabi.

Marami ang naniniwalang mas madali ang pagpasok ng swerte kung malinis at maayos ang ating paligid. Magkakaroon din tayo ng sapat na espasyo o lugar para sa mga bagay at biyayang darating sa bagong taon. Paano nga naman papasok ang dagdag na biyaya kung napakasikip at napakagulo na ng ating lugar?

Kung isa ka sa mga taong nakaugalian na ang paglilinis at pag-aayos sa Enero at naghahanap ka ng lugar kung saan pwedeng mai-donate ang ilang mga bagay na gusto mo nang i-let go, tamang-tama para sa iyo ang Ukay for Peace na isinasagawa ng Center for Peace Education – Miriam College para sa kanilang partner communities: Pax Christi – Miriam College, Pax Christi Pilipinas, MC Twinning Project with BARMM Schools.

Tumatanggap sila ng mga donasyon mula ika-22 ng Enero hanggang ika-5 ng Pebrero sa Center for Peace Education, Environmental Studies Institute (ESI) Building, Miriam College, Quezon City. Pwedeng dalhin ang mga damit, gamit sa kusina, sapatos, laruan, at mga accessories na maaari pang mapakinabangan ng iba.

Malilinis mo na ang iyong espasyo, makapagbabahagi ka pa sa iba. Para sa karagdagang impormasyon, maaaring mag-email sa [email protected] o bumisita sa Facebook page ng CPEMiriamCollege. Pwede ring tumawag sa (632)930-MCQC(6272) local 3550.