CAUAYAN CITY – NIRATRAT ang isang delivery boy hanggang sa mapatay dahil sa tinamo nitong pitong tama ng bala ng cal. 45 na ginamit ng riding in tandem sa Canciller Ave., District 1 ng nasabing lungsod sa Isabela.
Kinilala ang biktima na si Alvin Opulentia, nagtatrabaho sa isang courier company at residente ng Nappacu Reina Mercedes, Isabela.
Ayon sa police report, ang biktima ay sakay ng motorsiklo patungo sa sentro ng Cauayan na may isang motorsiklo na kulay gray ang biglang dumikit sa kanya at dito pinagbabaril ng isa sa mga suspek si Opulentia na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.
Narekober sa crime scene ang pitong basyo ng bala.
Hanggang sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaslang sa biktima. REY VELASCO