REHAS na bakal ang binagsakan ng limang drug courier kabilang ang dalawang menor na lalaki makaraang makumpiskahan ng P3,882,000 halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Mt. Province noong nakalipas na linggo.
Ayon sa police report, unang naaresto ang 25-anyos na free lancer video editor na taga- Guiguinto, Bulacan na nakumpiskahan ng 10 bloke ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,182,000 na inilagay sa backpack.
Ang naaresto ay lulan ng pampasaherong van na patungong Abatan, Bauko, Mt. Province nang masita ng awtoridad sa itinayong checkpoint sa Sitio Nacagang, Brgy. Tambingan sa Sabangan noong Linggo.
Samantala, sumunod na nasakote sa checkpoint sa Sitio Paleng, Brgy. Lagan sa Sabangan, Mt. Province ang dalawang menor na kapwa nakatira sa Sampaloc Street, Doña Nicosia Subd., Brgy. Commonwealth, Quezon City kung saan nasamsam ang apat na bloke ng marijuana na may street value na P480k.
Sumunod na nasakote sa bahagi ng isang terminal sa Brgy. Poblacion, Bontoc, Mt. Province ang mga suspek na sina alyas Jay at Joshua 23, kapwa nakatira sa Cruz St., Parang, Marikina City kung saan nasamsam ang 12.95 kilong marijuana na nagkakahalaga ng P1,500,000.
Narekober din ng awtoridad ang apat na bloke ng marijuana at 2 tubular na marijuana leaves (P720,000) na nakasako kung saan iniwan sa gilid ng Bontoc-Kalinga Road sa Sitio Cheka-a, Bontoc noong Biyenes ng umaga.
Nababahala naman ang awtoridad sa pagdagsa ng mga kabataang mula sa Metro Manila na ginagawang drug courier ng sindikato para sa lumalalang drug trade sa bansa. MHAR BASCO