DEMOLITION JOB

Erick Balane Finance Insider

NAGING biktima sina Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Lilia Guillermo at Deputy Commissioner for Operations Romeo Lumauig, Jr. ng ‘demolition job’ kamakailan.

Si Guillermo na nagmula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay hinatak umano sa BIR ni Finance Secretary Benjamin Diokno na dati namang gobernador ng central bank.

Hindi raw magkasundo at magkasalungat ang desisyon nina Guillermo at Lumauig sa pagpapatakbo sa BIR. Pero ang totoo ay magkasundo ang dalawa sa lahat ng mga desisyon at polisiyang ipinatutupad sa ahensiya.

Isa pa sa biktima ng demolition job ay ang isang Revenue District Officer (RDO). Ayon sa mga Marites, ang nasabing RDO ay maagang namamasko sa mga taxpayer. Diumano, hina-harass nito ang mga taxpayer habang iniimbestigahan ang tax cases.

Depensa ng kampo ng RDO, iniimbestigahan nito ang isang taxpayer sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na ang signatory ay ang kanilang superior na regional director at ang nagsisiyasat ay isang group supervisor at examiner.

Hindi, aniya, sila nakikipag-usap nang personal sa mga taxpayer kaya malinaw na ito ay bahagi lamang ng demolition job ng mga Marites.

Ang puwesto ni RDO ay target mismo ng ilang politiko na nagsisilbing ‘backer’ ng mga kandidato para sa nasabing puwesto.

Ang mga regional director at revenue district officer, partikular sa Metro Manila, ay hindi rin nakaligtas sa mga Marites. Andiyan na nagbibitbit sila ng ‘padrino’ kina Commissioner Guillermo at DepCom Lumaiug para makakuha ng ‘juicy position’.

Subalit ang katotohanan, pag-upo pa lamang sa puwesto nina Guilermo at Lumaiug, ipinagbawal na nila ang face-to-face meetings, conferences at iba pang pagpupulong dahil bukod sa magastos at abala, ayaw nilang maintriga sa mga hinala sa mga nakaraang administrasyon na umiiral ang ‘position for sale’ para makakuha ng magandang puwesto sa BIR.

“Kailanman ay hindi nangyari na namayani at namayagpag ang ‘padrino’ at ‘bata-bata system’ sa pagpili o paglalagay sa mga mahahalagang puwesto sa Kawanihan, at mas lalong hindi nangyari kailanman ang sinasabing ‘position for sale’ sa pagtatalaga ng mga sensitibong posisyon sa BIR. Ito ay isa lamang likha ng Marites,” sabi ng isang retired BIR official.

“Ang demolition job o Marites sa BIR ay walang puwang sa kanilang polisiya at ang bagay na ito ay hindi dapat binibigyan ng pansin, sapagka’t magdudulot lamang ito ng pagkakawatak-watak ng mga opisyal at kawani sa Rentas,” aniya.

Sa halip, dapat mag-concentrate ang mga opisyal ng BIR na makolekta ang iniatang sa kanilang tax collection goal nina Presidente Marcos at Secretary Diokno ngayong taon na P3.312 trilyon, mas mataas ng 12.49% kumpara sa tax goal noong 2021.

Ang inilunsad na ‘massive tax campaign’ nina Commissioner Guillermo at DepCom Lumauig ay sinuportahan nina Metro Manila BIR Regional Directors Ed Tolentino. (East NCR), Albino Galanza (City of Manila), Jethro Sabariaga (South NCR), Gerry Dumayas (Caloocan City), Dante Aninag (Makati City) at Bobby Mailig (Quezon City).

Patuloy naman ang balasahan sa BIR sa layuning mas mapataas ang tax collections at ganap na masugpo ang graft and corruptions.