BATANES – UPANG makontrol ang pagkalat ng dengue sa ilang lugar sa Batanes Group of Islands nagsagawa ng mercy mission ang AFP-Northern Luzon command sa nasabing lalawigan.
Naglunsad ang AFP ng Air Medical Evacuation (MEDEVAC) para sa mga biktima ng dengue sa northernmost part at isolated province ng Batanes gamit ang Philippine Air Force at Philippine Coast Guard.
Sa report, ibinahagi ni Marine Lt. Gen. Emmanuel Salamat NOLCOM chief, nakatangap sila ng kahilingan mula kay Batanes Governor Marilou H. Cayco na humihingi ng tulong para mailikas ang may 23 dengue patients partikular sa isla ng Itbayat.
Tatlo sa mga inilikas patungo sa Basco ay nasa kritikal nang kondisyon dahil sa mababang platelet count at kailangan nang malapatan ng lunas.
Nabatid pa na ang nag-iisang pagamutan sa Itbayat ay walang kaukulang medical capability para gumamot ng mga pasyenteng infected ng dengue virus.
Tanging bangka lamang ang sinasakyan para ihatid ang mga pasyente mula Itbayat papuntang Basco, subalit dahil eratic ang weather condition at laging malakas ang alon ay imposibleng ang pagbiyahe papuntang Basco sa Batan Island kaya imposible ring mabigyan sila ng medical treatment sa Batanes General Hospital.
Kinailangan ding ilipad ang dalawang doktor mula Basco papuntang Itbayat para tumulong na masawata ang dengue outbreak sa island municipality. VERLIN RUIZ
Comments are closed.