NAKATAKDANG pagkalooban ng karagdagang pondo ang public elementary at high schools upang matiyak ang pagsunod sa ipinatutupad na minimum health standards ng pamahalaan.
Sa ginanap na virtual press conference, sinabi ni Education Undersecretary Anna Sevilla na maglalaan ang ahensiya ng ₱3.7 bilyon para sa karagdagang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Ang ₱3.5 bilyon ay mapupunta sa halos 45,000 public schools habang ang matitirang halaga ay ipagkakaloob sa DepEd central, regional, at division offices.
“Binibili po natin ng mga supplies ang ating mga eskwelahan para ang mga teachers at non-teaching positions na pumapasok ay meron din pong protection. Kahit wala yung mga bata sa eskwelahan, nag-ooperate ang mga eskwelahan because the teachers are doing their alternative work arrangement in the school,” paliwanag ni Sevilla.
Una nang sinabi na lahat ng public school teachers ay makakatanggap ng advance ng kanilang annual ₱5,000 cash allowance para sa susunod na school year.
Umaabot sa ₱4.4 bilyon ang inilaan para sa ipagkakaloob na ₱5,000 cash allowance sa 886,829 public school teachers.
“Lahat ng mga guro natin ngayon kahit hindi pa nagsisimula ‘yung school year ay eligible at kung sa pagbukas ng school year may dadating na bagong teacher ay magkakaroon ng pro-rated na mga cash allowance na pwedeng ibigay sa kanila,” paglilinaw pa ni Sevilla.
Nakumpleto na rin umano ng DepEd ang paglalabas ng ‘performance-based allowances’ sa mga guro at personnel sa nakaraang school year 2019.
Samantala, pinag-aaralan na ng DepEd kung maari nang magsagawa ang 300 schools ng ‘pilot limited face to face classes’.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, maaari pang madagdagan ang nasabing bilang depende kung patuloy ang bababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 at base na rin sa pagtaya ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF).
“Umabot ng 1,900, in-approve ng mga regional director. Pero sabi ng Senate, sobrang malaki. So na-reduce to 600, and then we reduced it further – para maging stringent talaga ang requirements – to 300 schools. Sa tingin ko, baka hindi lahat, hindi iyong buong bansa. Kaya sabi naman, ipi-pilot natin but not necessarily for all the regions of the country,” dagdag pa ng kalihim ng DepEd. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.