DEPED SA PRIVATE SCHOOLS: TUITION HIKE IKONSULTA MUNA SA MGA MAGULANG

DEPED-2

PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang mga pribadong eskuwelahan na bago magtaas ng tuition at miscellaneous fees ay konsultahin muna ang mga magulang.

“‘Yung tuition fee po sa ating patakaran, kung itataas po iyan dapat 70% niyan ay pupunta sa salary ng mga teacher natin. Ang tumataas po ngayon ay mga miscellaneous fees po… ‘yung tinatawag na library fee, baka ang dine-develop na ngayon ‘yung e-library na tinatawag,” wika ni DepEd Undersecretary Jesus Mateo sa virtual Kapihan sa Manila Bay.

Ayon kay Mateo, inatasan na nila ang mga pribadong eskuwelahan na magsumite  muna ng kanilang learning continuity plan at ang proposal ng mga ito ay ayon dapat, aniya, sa pakikipag-usap sa mga magulang.

Anang opisyal, may ilang private learning institutions ang maaaring magtaas ng matrikula at iba pang fees upang hindi magsara sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Kailangang balansehin natin ang interes ng mga magulang at interes ng mga empleyado sa mga pribadong paaralan kasi may pamilya rin po iyan eh,” aniya.

“‘Yung mga private school din, nangangailangan din ng tulong. ‘Yun lang ang pamamaraan nila para matugunan ang pangangailangan ng kanilang mga guro at kanilang mga non-teaching staff,” dagdag pa niya.

Comments are closed.