NAGING senyales ang pagluwag ng restriksyon na pabalik na tayo sa dating pamumuhay dahil sa patuloy na pagbaba ng kaso ng mga nahawaan ng COVID-19.
Hindi lamang ang Pilipinas dahil marami na ring mga bansa ang nagluwag ng polisiya upang payagang makapasok ang mga turista at overseas workers sa kanilang mga bansa.
Bagama’t maluwag na ang restriksyon sa Pilipinas ay kapansin-pansin naman ang paghihigpit ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa overseas Filipino workers (OFWs) dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin sila pinapayagang makaalis patungong Saudi Arabia matapos ang libo-libong Pilipinong hindi pinasuweldo ng kanilang mga employer noong panahon ng pandemya.
Ngunit para sa Advocates and Keepers Organization of Overseas Filipino Workers (AKO-OFW), isang partylist organization na nagsusulong sa kaligtasan at kapakanan ng mga OFW, ang patuloy na pagbabawal sa mga Pilipinong umalis ng bansa upang makapagtrabaho ay nagdudulot na ng collateral damage sa kanila.
Habang ang mga lokal na empleyado ay malaya nang nakabalik sa kanilang trabaho ay nananatili namang stranded sa ating bansa ang ilan na nais lamang bigyan ng mas maayos na buhay ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pangingibang bansa.
Ayon sa AKO-OFW, panahon na para alisin ang deployment ban at payagan ang mga OFW na makabalik sa kanilang trabaho.
Isa lamang sa mga humingi ng tulong sa AKO-OFW ay ang isang aplikanteng pa-Saudi na isang single mom sa kanyang tatlong anak. Aniya, kailangan niyang kumita nang mas malaki upang mabigyan nang maayos na buhay ang kanyang mga anak.
Ayon sa aplikante, kumikita lamang siya noon ng P300 kada araw sa pagtatrabaho para sa isang lokal na employer, at aminado siyang hindi ito sapat para buhayin ang kaniyang pamilya kaya naman minabuti na lamang niyang maghanap ng mas magandang oportunidad sa Saudi.
Isa pa sa mga humingi ng tulong ay isa namang dati nang OFW mula Saudi, na dumepensang hindi lahat ng employer ay masasama.
“Hindi naman po lahat ng employers masama. Ang mga employer naman sa Saudi ay may mababait din,” aniya.
“Buo talaga ang loob ko na magtrabaho sa ibang bansa. Excited na po ako na magbiyahe at magtrabaho kaso may suspension pala ng deployment sa Saudi. Naiiyak po ako kasi umabot na sa 20,000 pesos ang nagastos ko sa pag-apply,” dagdag niya.
Paalis na sana ang mga OFW noong December 2021 ngunit naabutan sila ng suspensiyon ng deployment sa Saudi.
Maaari ngang may mga abusadong employer sa ibang mga bansa, subalit ang ating mga kababayan lamang ang magpapatunay nito. Ngunit sa aking pananaw, panahon na upang alisin ng DOLE ang deployment ban upang mabigyan ng pagkakataon ang mga OFW na makabawi at kumita para sa kanilang kinabukasan.
Kung ang kapakanan nila ang pag-uusapan, napakaraming mga organisasyon ang nariyan upang bukal na tumulong sa oras ng kanilang pangangailangan. Isa na rito ang AKO-OFW na isa sa mga tumatakbong partylist sa Kongreso at pang 10 sa balota.
Mula noong maitalaga noong 2015, naging aktibo na ang AKO-OFW sa pagprotekta sa karapatan at kapakanan ng ating mga OFW, bukod pa sa kanilang mga programa at inisyatiba katulad ng OFW pension plan, programang pabahay, scholarship grant para sa mga anak ng OFW, at reemployment program na lahat ay kapaki-pakinabang para sa ating mga migrant workers at ng kanilang pamilya.
Mayroon din silang mga discount program at ward sa mga regional hospital na nakatalaga para lamang sa mga OFW.
Bukod dito, isinusulong din ng AKO-OFW party-list ang mga reporma, batas, at polisiya na nakatuon sa pagpoprotekta sa mga karapatan ng ating migrant workers. Kasama rin sa kanilang plano ang pag-pool ng mga propesyunal katulad ng mga abogado, health at mental health workers, at mga financial advisors para lamang sa kanila.