PANSAMANTALANG ipinatigil ng Department of Migrant Workers (DMW) ang deployment ng first-time overseas Filipino workers (OFW), partikular ang domestic helpers, sa Kuwait.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa first time OFWs sa Kuwait ay ipagpapaliban muna hanggang sa magkaroon ng mga makabuluhang reporma sa nakatakdang bilateral talks sa gobyerno ng Kuwait.
“’Yung mga baguhan, never before nag-work as kasambahays abroad or ‘yung nag-work as kasambahays pero hindi sa Kuwait ay kailangan maghintay muna dahil nais tiyakin ng department na may mas maayos na monitoring at mas mabilis na response system in place bago sila tumungo doon,” ani Ople.
Aniya, ang mga domestic worker ay may iba pang mga bansang pagpipilian tulad ng Hong Kong at Singapore.
Sa kabila ng kaganapang ito, positibo si Ople na magkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa umiiral na bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng Kuwait.
Ang hakbang ay kasunod ng pagpaslang sa 35-anyos na OFW na si Juliebee Ranara sa Kuwait kamakailan.