DEPLOYMENT NG SKILLED WORKER SA GERMANY BUBUKSAN

Silvestre Bello III

BINABALANGKAS ng Pilipinas at ng gob­yerno ng Germany ang dalawang bagong labor agreement na magbubukas ng oportunidad para sa mga Pilipinong manggagawa sa iba’t ibang skill category ma­liban sa mga nurse.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang isang labor agreement ay naglalayong magbigay daan para sa pag-recruit ng mga Pilipinong healthcare professional, habang ang isang kasunduan ay nakatuon sa deployment ng 31 iba pang skill at professions category.

Ang inisyal na mga sektor na napili ay mula sa hotel service, electrical engineering at mechanic, sanitation, heating at air conditioning, at child care.

Naniniwala si Bello na maisasapinal ang mga labor agreement sa lalong madaling panahon.

“Umaasa kami na ang dalawang agreement ay maisasapinal sa loob ng termino ni Pangulong Duterte at magkaroon ng natatanging marka sa kasaysayan ng bilateral relations ng Pilipinas at Germany,” wika ni Bello.

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nagdedeploy ng mga Pilipinong nurse sa Germany sa ilalim ng Triple Win Program.

“Mula 2013, nakapag-deploy tayo ng 1,811 nurse sa ilalim ng programa at exempted ito mula sa limitasyon sa pagpapadala natin ng mga Pilipinong healthcare worker sa ibang bansa,” sinabi pa ni Bello sa ginanap na turnover ng German-funded na Geriatric Skills Laboratory sa Baliuag University sa Bulacan.

Ang Bertelsmann Stiftung Foundation ang siyang nagbigay ng pondo para sa laboratoryo sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng Pilipinas at Germany sa ilalim ng Triple Win Program-Global Skills Partnership program.

Ang pagpapalawig ng Triple Win Program, at ang Global Skills Partnership program ay nagbibigay daan para sa German training sa pamamagitan ng face-to-face, e-learning, at iba pang alternatibong pamamaraan.

Dahil isang aging population ang Germany, nabatid na ang geriatric care ang isa sa pangunahing kinakailangan na kasanayan na dapat mayroon ang mga nurse sa nasabing European country. PAUL ROLDAN