SA wakas, isa nang ganap na batas ang Department of Migrant Workers o DMW na matagal ng pinapangarap ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng mundo. Opisyal ng nilagdaan ni Pangulong Duterte ang DMW noon mismong Rizal Day bilang pagkilala sa pagiging mga bagong bayani ng mga overseas Filipino worker. Isa ito sa campaign promises ni Digong at ni dating Speaker Alan Peter Cayetano noong sila ay tumakbo bilang pangulo at pangalawang pangulo noong 2016 elections.
Kung inyong matatandaan, pinangunahan ni Cayetano ang paghahain ng panukalang batas na ito sa Senado noong Mayo 4, 2017 bago sya hiranging kalihim ng Department of Foreign Affairs. Nais kasi ni Cayetano na magkaroon ng isang ahensiya ng gobyerno na tututok sa mga problema, hinaing, at iba pang concerns ng mga OFW dahil ngayon napakaraming ahensiya na ng gobyerno ang nagsasalimbayan sa pagbibigay atensyon sa ating mga OFW.
Bagama’t hindi naisabatas, muling naghain si Cayetano noong 2019 ng House Bill No. 5832 na siya namang pumasa sa Kamara noong Marso 11, 2020 sa kanyang pamumuno bilang House Speaker. Ang panukalang batas, na isa si Cayetano sa punong may-akda, ay naglalayong lumikha ng isang Department of Overseas Filipino Workers and Foreign Employment — isang sentralisadong ahensiya na tutugon sa mga pangangailangan ng mga OFW na ngayon ay kilala na bilang Department of Migrant Workers.
Nitong nakaraang bisperas ng Pasko inaprubahan ng Senado ang panukalang batas sa pangunguna ni Senator Joel Villanueva. Agad din itong inaprubahan ng Kamara noong araw mismo ng Pasko para maihabol sa pagtatapos ng taong 2021. Todo-todo ang pasasalamat ng dating speaker sa paglagda ni Digong para maging isang ganap ng batas ang DMW. Sinabi nga ni Cayetano ito ay naghahatid ng panibagong pag-asa para sa mga overseas Filipinos na nagsakripisyo upang matustusan ang mga pamilya at panatilihin ang ekonomiya ng bansa.
Ang paglikha ng DMW ay magbibigay-daan para sa mas angkop na budget sa mga serbisyo’t programa para sa mga OFWs at ito’y isang oportunidad para sa isang mabisang pagtugon ng nasyonal na pamahalaan sa pangangailangan ng mga OFW sa oras ng krisis.
Ang DMW ay magkakaroon ng sariling kalihim na siyang tutugon sa mga programa sa ilalim ng bagong ahensiya. Pagsasamahin na sa sentralisadong DMW ang mga tungkulin ng Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) National Reintegration Center, Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, Department of Social Welfare and Development (DSWD) International Social Services Office, at ng Commission on Filipino Overseas ng Office of the President ukol sa OFWs.
Magandang panimula ito ng bagong taon para sa mga OFW dahil binigyan ng importansya ang kanilang matagal nang hinahangad na magkaroon ng ahensiya para sa kanila. Pasalamatan din natin ang mga mambabatas na nagsulong nito lalo na si Cayetano na lalong naging mas malapit sa mga OFW noong siya ay maging DFA Secretary dahil pinadagdagan niya ang pondo para sa Assistance to National Fund at Legal Assistance Fund. Inayos din niya ang sistema ng passport sa DFA at pinangunahan ang pagkakaroon ng Kafala system na malaki ang naging benepisyo sa mga OFW.
Mga OFW at sa inyong mga pamilya congratulations at maraming salamat sa mga government official na naghahanap at gumagawa ng paraan para sa kapakanan ng taumbayan.