DESISYON NG KORTE SUPREMA PINAGTIBAY ANG MANDATO NG ERC SA PAGSULONG SA INTERES NG INDUSTRIYA AT KONSYUMER

NAGLABAS na ng desisyon ang Korte Suprema kaugnay ng kasong isinampa laban sa pag-apruba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa pautay-utay na dagdag-singil para sa power rates sa December 2013 bills.

Kapuri-puri ang hakbang na ito ng Korte Suprema dahil sa wakas ay maisasara na ang kaso matapos ang mahigit walong taong pagkakabimbin nito.

Bagama’t pinapayagan sa ilalim ng umiiral na alituntunin at batas ang awtomatikong pagpasa ng generation charge sa mga konsyumer, Meralco na mismo ang nagmungkahi na huwag kolektahin ng isang bagsakan ang generation charge na nagkakahalaga ng P22.64 bilyon para hindi maging sobrang bigat sa mga customer nito.

Makabubuti nga iyan sa mga konsyumer kung kaya inaprubahan ng ERC ang mungkahing ito at binigyang- diin na ng regulator na sasailalim pa sa kumpirmasyon at matinding pagsusuri ang karagdagang generation charge alinsunod sa panuntunan ng Automatic Generation Rate Adjustment (AGRA) para masiguro na tama ang singil na ito.

Nakita rin ng Korte Suprema ang adhikain ng ERC na protektahan ang kapakanan ng konsyumer at pinasinungalingan ang akusasyon ng mga makakaliwang grupo na inabuso ng regulator ang kapangyarihan nito.

Kinilala ng Korte ang sistemang umiiral sa industriya ng koryente at ito ay sumang-ayon sa mga naging hakbang ng regulator noong 2013 na alinsunod naman sa mga batas at panuntunan na ipinatutupad sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA.

Dahil dito, tiyak na tataas ang kumpiyansa ng mga negosyante na mag-invest dahil mayroong balanseng umiiral sa industriya – isang indikasyon ng katatagan nito. Mahihimok ang mga ito na tumulong sa pagsiguro na mayroong sapat at maaasahang suplay ng koryente sa bansa.

Mahalaga ito dahil ang isyu sa kakulangan ng suplay naman talaga ang pinagmulan ng pagsipa ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) noong katapusan ng 2013.

Ang WESM ang merkado ng suplay ng koryente sa bansa, at gaya ng ibang merkado, sumusunod ito sa law ng supply at demand. Kapag mababa ang suplay at mataas ang demand, magreresulta ito sa pagtaas ng presyo. Sa kabilang banda, kung mas mataas naman ang suplay kaysa sa demand, bababa naman ang presyo.

Kung hihimayin ang pangyayari, sumipa ang presyo sa WESM dahil sumailalim sa maintenance ang Malampaya facility na siyang pinagkukunan ng natural gas ng malaking planta ng koryente na nagsusuplay sa Luzon. Lumala pa ang sitwasyon nang nagkasabay-sabay ang hindi inaasahang pag-shutdown ng iba pang mga planta.

Sa kasamaang-palad, sa halip na ikatuwa at ipagpasalamat na sa wakas ay nagkaroon na ng resolusyon ang nasabing kaso, maraming mga makakaliwang grupo gaya ng Bayan Muna, NASECORE, Gabriela, at iba pa ang umaalma rito at sinasabing hindi maka-konsyumer ang nasabing desisyon.

Napakadali para sa mga grupong ito na magbato ng alegasyon laban sa mga generator ng koryente.

Nagkaroon umano ng sabwatan sa pagitan ng mga operator ng planta. Nagkaroon daw ng kasunduan ang mga ito na sabay-sabay ihinto ang operasyon upang sadyain ang pagsipa ng presyo ng koryente sa WESM. Hindi ba’t mas nalulugi ang mga generator kapag pumapalya o hindi tumatakbo ang kanilang mga planta?

Sa halip na tumulong sa paghahanap ng solusyon, ibinubuhos ng mga makakaliwang grupo ang kanilang oras sa pagtatanim ng duda sa isip ng mga konsyumer. Sa halip na tulungan ang mga konsyumer na maintindihan ang sistemang umiiral sa industriya ng koryente na alinsunod sa umiiral na batas, tila ang layunin ng mga ito ay himukin ang mga konsyumer na kuwestyunin ang integridad ng industriya.

Kung mayroong sabwatang naganap sa pagitan ng mga generator ng koryente, hayaan natin ang ERC na gawin ang kanilang trabaho at idaan ang isyu sa tamang proseso. Tigilan na ang kultura ng paggamit sa opinyon at sentimyento ng publiko para isulong ang pansariling mga interes. Kailangang matutuhang tanggapin ng mga makakaliwang grupo ang desisyon ng Korte Suprema. Para saan pa ang mga batas at prosesong umiiral kung hindi ito kikilalanin at susundin.

Simple lang, kapag mas marami ang supply, tiyak na mas mahigpit ang kompetisyon sa industriya ng koryente. Mapipilitan ang mga generator na lalong paghusayin ang kanilang serbisyo, na kinalaunan ay nagreresulta sa pagbaba ng presyo ng koryente.

Sa huli, interes nating mga konsyumer ang magwawagi. Tayo ang makikinabang sa mga mabuting epekto ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng koryente sa Pilipinas.