MULING nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa lahat ng Pilipino sa Lebanon na mag-avail ng voluntary repatriation program ng pamahalaan dahil patuloy na umiigting ang tensiyon sa naturang bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na walang garantiya na laging magiging ligtas ang Lebanon sa kasalukuyang sitwasyon.
“Nanawagan kami sa mga Filipinos ngayon, tulad nung panawagan ng embassy na umuwi,” sabi ni De Vega.
Aniya, may mahigit 17,000 Pinoy sa Lebanon ngunit 293 pa lamang ang na-repatriate.
May 561 repatriation applications na nakabimbin.
Ang Lebanon ay kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 3, na nangangahulugan ng voluntarily evacuation ng mga Pinoy.
Sinabi ni De Vega na ang posisyon ng surrounding countries ay ang ilikas ang foreign residents.
“(The) position of surrounding government including Cyprus, if you’re going to require our help para kung saan sila dadaan repatriate them now habang may commercial flights,” ayon kay De Vega.
Aniya, umaasa ang Philippine government na humupa na ang tensiyon sa Lebanon, at umiral ang diplomasya.
“Ang punto diyan, lahat ng decision ng Philippine government tungkol sa mga alert level para din sa kabutihan ng ating mga kababayan,” ani De Vega.
Ulat mula sa PNA