(Di makakuha ng teachers board exam) KAKULANGAN NG GURO NAKABABAHALA

NABABAHALA si Senadora Imee Marcos na lampas isang taong walang trabaho ang hinaharap ng mga bagong gradweyt ng kursong edukasyon dahil hindi sila maka-kakuha ng licensure examinations for professional teachers (LEPT) hanggang sa 2023.

Sa pahayag ni Marcos nitong World Teachers’ Day, sinabi ng senadora na hindi katanggap-tanggap na ang Civil Service Commission (CSC) ay hindi pa rin nakakagawa ng bersyong online ng LEPT pagkatapos ng isang taon at kalahati mula nang nagsimula ang mga lockdown dahil sa pandemya.

Idedepensa ni Marcos ang badyet ng CSC para sa 2022 ngunit binalaan ang ahensiya dahil sa 200,000 pang bakanteng posisyon sa gobyerno, kasama rito ang para sa public school teachers na mas mabilis sanang napunan kung naging online lang ang LEPT.

“Naaantala ang paggawa ng mas maraming trabaho at maaring magkulang pa ng mga guro. Ang dapat diyan ay i-digitize na ang LEPT para walang aberya kahit may pandemya,” ani Marcos.

“Ang Career Exe­cutive Service Board (CESB) at iba pang professional regulatory boards ay nakapagsagawa na ng kanilang online     exams. Siguro naman pwedeng gawing basehan ng CSC ang ehemplo nila para sa LEPT,” dagdag ni Marcos.

“Hindi puwedeng mabawasan ang ating kapasidad para magbigay ng napakaimportanteng serbisyong gobyerno, lalo na sa edukasyon at pampublikong kalusugan, ngayong patuloy pa rin ang pandemya,” sinabi pa ni Marcos.

Ang mayorya ng 170,000 na rehistradong kukuha ng LEPT ay mga gradweyt sa kursong edukasyon noong 2020 na hinati sa apat na mas maliliit na grupo para may physical distancing habang sila’y nag-e-exam.

Tumagal hanggang Setyembre bago naganap ang nag-iisang LEPT para sa taong ito, ngunit susundan ito ng mga exam sa Enero, Marso, at Hun­yo sa 2022.

Gayunpaman, ang deadline ng pagpaparehistro ay natapos na para sa tatlong LEPT na naka-iskedyul sa susunod na taon, kaya ang mga gradweyt ng 2021 pati na rin ang mga may hawak na degree na hindi pa nakapag-exam ay maghintay hanggang 2023 para sa kanilang turno, maliban kung ang isang online na LEPT ay mailalagay nang maaga. VICKY CERVALES

Comments are closed.