(‘Di pa napapanaho – DMW)WALANG DEPLOYMENT BAN SA KUWAIT

HINDI pa kinokonsidera ng Philippine government ang pagpapatupad ng deployment ban ng overseas workers sa Kuwait kasunod ng pagpaslang sa isa pang Pinoy sa Gulf state, ayon sa Deparment of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople, na nagbigay ng updates sa kaso ng pinaslang na domestic helper na si Jullebee Ranara, na tinitingnan ng ahensiya ang pagbuo ng “karagdagang safeguards” para matiyak ang kaligtasan ng OFWs sa Kuwait.

“Ang nakikita namin on the ground, mabilis umaksiyon ang Kuwaiti government,” wika ni Ople.

“So no, we’re not contemplating suspension of deployment to Kuwait, but yes, we are looking at additional safeguards and reforms to make sure workers bound for Kuwait are better protected,” dagdag pa niya.

Nauna nang kinumpirma ng DMW ang pagkamatay ng 35-anyos na si Ranara, na ang sunog na katawan ay natagpuan sa disyerto nitong weekend.

Ang suspect, na 17-anyos na anak umano ng employer ni Ranara, ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad.

Nangako si Ople na magkakaloob ng tulong ang pamahalaan sa pamilya ni Ranara, kabilang ang insurance at scholarships para sa kanyang mga anak.