UPANG matiyak ng gobyerno na makahahabol ito sa napakabilis na pagbabago sa information and communications technology sa mundo, tinaasan nito ng P6.2 bilyon ang budget para sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ilalim ng 2020 General Appropriations Act.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance na siyang nangunga sa pagdinig ng 2020 national budget sa Senado, taon-taon ay sinisiguro nilang natataasan ang pondo ng DICT upang masigurong hindi nahuhuli ang ahensiya sa mga pagbabagong teknolohikal.
Ani Angara, mula sa P3.7 bilyon ng National Expenditure Program na isinumite ng Malacanang sa Kongreso noong nakalipas na taon, tumaas sa halos P10 bilyon ang DICT budget sa ilalim ng P4.1 trillion 2020 GAA.
Nabatid na noong 2017, may budget na P2.9 bilyon ang DICT na tumaas sa P4.7 bilyon noong 2018 at naging P6.2 bilyon noong 2019.
“Kapansin-pansin ang napakabilis na galaw ng teknolohiya at kailangan nating makasabay rito. Ito ang dahilan kung bakit kailangang paglaanan na-tin ng atensiyon ang lahat ng bagay na may kinalaman sa information technology (IT),” anang senador.
Kaugnay nito, aatasan ang DICT na siguruhing ang lahat ng mga silid-aralan, mga tanggapan at komunidad sa bansa ay may maayos na serbisyo ng internet at lahat ng uri ng mobile communication.
Magsisilbing launching point ang data center ng gobyerno na mangangasiwa sa mga serbisyo tulad ng cloud computing, web hosting, server loca-tion at iba pang katulad na operasyon.
“Malaki ang tulong ng maayos na communications technology sa mga tanggapan dahil mas mapabibilis nito ang sistema ng kanilang trabaho. Ang resulta nito, maganda at maayos na serbisyo sa publiko, partikular sa ating taxpayers,” saad pa ni Angara.
Ayon pa sa senador, gugugulin din ang naturang pondo sa pagpapatupad ng Government Emergency Communications System o GECS.
Ang GECS ang sisiguro na mananatiling maayos ang sistema ng komunikasyon sa mga panahon ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol at pagsabog ng bulkan. Ang mga kalamidad na ito, ani Angara, ang mga pangunahing nakasisira sa takbo ng teknolohiya at komunikasyon.
Kaugnay pa rin nito, mayroon ding dagdag pondo na P3.321 bilyon ang National Telecommunications Commission sa ilalim ng DICT upang masuportahan ang pagpapatupad ng iba’t iba nilang programa tulad ng National Emergency Communication Resiliency Program at ICT modernization program. VICKY CERVALES
Comments are closed.