NAG-RELEASE ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng draft terms of reference para sa mga kompanyang nais magkaroon ng ikatlong telecommunications slot sa bansa na dapat ay kayang gumastos ng P40 billion taon-taon.
Ang terms of reference para sa proseso ng pagpili ng susunod na telco ay dapat masunod ang tatlong specific criteria, base sa limang taong “commitment period.”
Ito ay dapat naaayon sa bawat item na nasa sumusunod: 1) 40 porsiyento para sa national population coverage; 2) 20 porsiyento para sa minimum broadband speed; 3) 40 porsiyento para sa taunang capital at operational expenditures.
Ang ikatlong telco player ay nararapat ding magawa ang taunang minimum requirements ng: 1) mayroon man lamang na 30 porsiyentong national population coverage; 2) at least 5 megabytes kada segundo (Mbps) pinaka-minimum average broadband speed; 3) P40 billion para sa capital at operational expenditures.
Makakukuha ng karagdagang puntos kapag ito ay humigit pa sa minimum na pangangailangan, pero ang puntos ay matitigil kapag umabot na sa maximum requirements ng: 1) 70 porsiyentong national population coverage; 2) 45 Mbps average broadband speed; 3) P130 billion ng capital at operational expenditures.
Ang dokumento ng pagpili ay magiging available sa National Telecommunications Commission (NTC) sa halagang P1 million bawat isa.