ISANG linggo na ang nakalilipas magmula nang atakihin ng teroristang grupong Hamas ang tahimik na komunidad ng Israel na halos isang milya ang layo sa teritoryo ng Gaza Strip.
Walang awang pinaslang, ginahasa at inalipusta ang mga bata, matatanda at mga babaeng Israelites ng mga teroristang miyembro ng Hamas.
Pinagplanuhan nang husto ng teroristang Hamas ang pagsugod nila sa bansang Israel. Wala silang plano na makipaglaban sa mga sundalo ng Israel. Sadyang nais nilang patayin at kunin bilang hostage ang mga inosenteng sibilyan. Kaparehas sila ng pakay at ugali ng mga Abu Sayaff natin sa dulong Mindanao.
Batay sa kasaysayan ng Gitnang Silangan o Middle East, nag-ugat lahat ito sa relihiyon. Kristiyano at mga Hudyo laban sa mga Muslim. Palit-palit ang mga sumakop sa nasabing lugar. Ito ay nakasaad sa banal na Bibliya ng mga Kristiyano at ng Koran ng ating mga kapatid na Muslim.
Hanggang sa umabot ang pananakop ng Ottoman Empire, Britanya at mga bansang Egypt, Syria at Jordan bago ito ay pormal na naging bansang Israel. Ayon sa Bibliya, dito ipinanganak si Hesus.
Samantala, sa nasabing lupain ay nanirahan din ang mga Muslim na Palestino.
Masalimuot ang hidwaan ng mga Muslim at mga Hudyo at umabot ito pagkatapos ng World War II. Ang mga bansang Estados Unidos, Britanya, France at mga bansa na kaalyado laban sa Germany ay naawa sa mga milyong Hudyo na sadyang pinaslang ni Hitler. Dahil dito, nagpasya ang mga bansang ito na bigyan ng sariling bansa ang mga Hudyo sa ilalim ng resolusyon ng United Nations.
Kaya noong ika-14 ng Mayo, 1948, itinatag ang bansang Israel para sa mga Hudyo.
Minasama ito ng mga bansang Arabo na nakapaligid sa Israel. Ito ay ang Egypt, Syria at Jordan.
Kaya ilang linggo lamang ang nakalipas ay inatake nila ang Israel. Malalim at komplikado ang nangyari sa mga bansang ito. Kalaunan ay nagwagi ang Israel sa nasabing mga bansa at ang Gaza Strip na dating nasa ilalim ng pamamahala ng Egypt ay nakuha ng Israel. Samantala, ang West Bank na nasa pangangalaga ng Jordan ay nakuha din ng Israel. Ang Gaza at West Bank ay pinamumugaran ng mga Palestino.
Kaya sakop ng Israel ang mga Palestino na ang orihinal na may-ari ng lupa ng Israel. Patuloy ang pag-aklas ng mga militanteng Palestino laban sa Israel. Kaya naman walang katapusan ang labanan nila bagaman okupado ito ng Israel. Kung matatandaan ninyo si Yasser Arafat, siya ang namuno ng Palestinian Liberation Organization o PLO laban sa pananakop ng Israel sa kanila. Lumakas ang impluwensiya ng PLO sa mga bansang Arabo at nakuha nila ang pansin ng gobyerno ng Israel sa kanilang nilalaban. Kinalaunan ay nagkaroon sila ng usapan sa Israel at binigyan sila ng awtonomiya sa pamamahala ng West Bank at Gaza.
Noong 1987, itinaguyod ang grupong Hamas na isang Islamic Resistance Movement na tulad ng ISIS. Kumalas sila sa grupo ng PLO at sila ang humawak ng Gaza mula 2006. Simula noon hanggang ngayon, ang Hamas ang namamahala ng Gaza.
Kaya naman ang paglusob at pag-atake ng Hamas sa Israel ay hindi suportado ng pamahalaan ng West Bank.
Kaya naman, hindi kataka-taka ang matinding paghihiganti at buwelta ng Israel laban sa Hamas sa Gaza. Ngunit ang mga miyembro ng Hamas ay ginagamit ang mga sibilyang Palestino bilang panangga sa pag-atake ng Israel.
Nagtataka lamang ako at tila ang sentimyento ng mga tao sa ibang bansa ay nasa mga Palestino. Galit sila sa Israel sa walang tigil na pagbomba sa Gaza kung saan maraming sibilyan ang namamatay.
Tama. Naiintindihan ko na nakakaawa ang mga inosenteng sibilyan na naiipit sa digmaan. Ito talaga ang resulta ng digmaan. Simula’t sapul, ang biktima ng mga digmaan ay ang mga sibilyan.
Pero teka, parang wala sa kanila ang sinisisi ang Hamas na siyang ugat ng hidwaan na ito. Tandaan ang kanilang ginawa sa mga inosenteng sibilyan sa Israel. Bakit walang grupo na nagpoprotesta sa kahayupan na ginawa nila na nagresulta sa mga kapwa nila Palestino na namamatay dahil sila ang nagsimula ng lahat na ito? Nagtatanong lang po.