(Pagpapatuloy…)
BAGO tayo magbigay ng anumang bagay sa iba, kailangan muna nating linawin sa ating sarili ang ating tunay na intensiyon.
Gusto lang ba nating maalis ang mga gamit na hindi na natin kailangan, o talaga bang sinsero tayo sa pagtulong sa mga nangangailangan? Ang responsableng pagbibigay ay hindi lamang isang simpleng donasyon; kailangan ang maingat na pagpaplano at tapat na pagsusuri ng ating kalooban.
Karaniwan na nating nakikita ang mga larawan at video ng mga benepisyaryo sa gitna ng mahihirap at kahabag-habang na sitwasyon—nakapila para tumanggap ng tulong, nakahiga sa sahig ng evacuation centers, o umiiyak habang sinasagip. Bago tayo mag-post o mag-share ng ganitong mga larawan, isipin muna natin: kung tayo ba ang nasa litrato, gugustuhin ba nating ipakalat ito sa publiko?
Kapag kinukunan natin ng larawan ang mga tao sa kanilang kahabag-habag na kalagayan, maaaring nawawala ang kanilang dignidad at nadaragdagan pa ang kanilang hirap na pinagdadaanan. Imbes na ganito, magbigay tayo sa paraang nagdudulot ng pag-asa at nagpapalakas ng kanilang loob, mga bagay na higit nilang kailangan sa ngayon. Taliwas sa karaniwang paniniwala, hindi nila kailangang magmukhang kaawa-awa para makakuha ng mas maraming tulong. Mas mainam na ipakita natin ang pagtutulungan, kooperasyon, at pag-asa sa gitna ng sakuna. Naniniwala akong mas magiging mabisa at makapangyarihan ang mensahe nito.
Tiyakin nating bawat tulong na ating ibinibigay ay nagbibigay-dangal at nagpapahalaga sa pagkatao ng bawat benepisyaryo. Madalas, hindi mahalaga kung ano o magkano ang ating ibinibigay, kundi ang paraan kung paano natin ito ibinibigay. Isang simpleng gabay ang Golden Rule: huwag nating gawin sa kapwa ang mga bagay na ayaw nating gawin din sa atin.