DIGONG MUNTIK MAG-WALK OUT SA SONA

PANGULONG DUTERTE

MUNTIK na umanong mag-walkout si Pangulong Rodrigo Duterte sa holding room ng Kamara kahapon dahil sa nangyaring delay sa kaniyang State of the Nation Address bunsod ng komosyon sa pagpapalit ng liderato ng Mababang Kapulungan.

Ito ang ibinunyag ni Senate President Tito Sotto kung saan nainis si Pangulong Duterte dahil sa nangyaring delay dahil sa kudeta para ipalit si Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo bilang bagong House Speaker.

“Yes. He made the threat to that effect. Mag-walkout talaga ako ‘pag hindi n’yo talaga inayos ‘yan,” wika ni Sotto.

Pagtatanong umano ng Pangulo, bakit aniya kailangang isabay pa ito sa araw ng kaniyang SONA.

Ayon kay Sotto, hindi ikinatuwa ng Presidente ang nangyari dahil may mas mabuting paraan aniyang maaaring gawin ang Kamara kung nais nilang palitan ang kanilang lider.

Ikinatuwiran ng Pa­ngulo ng Senado na hindi maganda na puwersahan ang paglilipat ng liderato dahil maaari naman itong gawin anumang oras naisin ng mga mambabatas basta’t ito ay nasa loob ng isang duly constituted plenary session.

Matatandaang kamakalawa ng gabi, pormal nang idineklara si Arroyo bilang bagong House speaker sa botong 184 affirmative at 12 abstentions. VICKY CERVALES

Comments are closed.