DILG, AFP PUMALAG DIN SA GANGSTER STYLE EXECUTION SA 4 NA PULIS

pulis

CAMP AGUINALDO – PAREHONG umalma ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Armed Forces of the Philip­pines (AFP) sa brutal na pagpatay sa apat na pulis sa Negros Oriental noong nakaraang linggo.

Sinasabing tig-isang  bala sa ulo ang ibinigay ng New Peoples Army (NPA) sa apat na pulis at umano’y pawang nakaluhod pa ang mga ito na pinahirapan pa.

Una nang kinumpirma  ng isang mataas na opisyal ng Philip­pine Army na execution at hindi ambush ang naganap sa likod ng pagkamatay ng apat na  unang inulat na tinambangan ng mga NPA sa Sitio Yamot, Barangay Mabato sa bayan ng Ayu­ngon, Negros Oriental.

Ayon kay Lt. Gen. Noel Clement commander ng AFP Central Command, lumabas sa kanilang pagsisiyasat na may pinuntahang tao ang apat na pulis sakay ng dalawang motorsiklo nang bihagin sila ng NPA.

Samantala, ipinag-utos ni Interior Secretary Eduardo Año sa pulisya at militar na hanapin ang mga salarin.

“As a former uniformed officer, I am enraged at this latest atrocity of the NPA which is a huge affront to our uniform, our badge, and our dignity as men and women in uniform. We will make sure that justice will be served to the families of the victims,” ayon kay Año.

Una nang sinabi ni PNP PRO 7 Director PBGen. Debold Sinas, na ang apat na pulis ay kinaladkad, iginapos na parang baboy, at saka binugbog ng nasa 30 hanggang 40 katao kaya bali ang tadyang ng mga ito. VERLIN  RUIZ/PAULA ANTOLIN

Comments are closed.