DILG, INAMING MAHIRAP IPATUPAD ANG ‘NO PHYSICAL CONTACT POLICY’ SA CAMPAIGN PERIOD

INAMIN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na mahihirapan silang ipatupad ang ‘no physical contact policy’ sa panahon ng kampanyahan para sa May 2022 polls ngunit tiniyak na gagawin nila ang lahat upang mahigpit itong maipairal.

Gayunman, nilinaw naman ni Malaya na hindi ang DILG ang nag-utos na ipatupad ang naturang polisiya kundi ang Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng resolusyon na inisyu nito.

“Well let me first clarify. It is not the DILG that made this policy. It is the Comelec and it just so happened that every election we are deputized by the Comelec to enforce the policies of Comelec and hindi po ito kami. It’s Comelec in a resolution which they issued last November, Resolution No. 10732,” pahayag ni Malaya sa isang panayam.

“Ako at the onset, sasabihin ko sa iyo medyo mahirap po talagang ipatupad itong mga policy na ito but we will do our best insofar as the DILG is concerned,” aniya pa.

Sinabi rin ni Malaya na nagpalabas na si DILG Secretary Eduardo Año ng advisory para sa lahat ng local government units (LGUs) at Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga campaign activities na pinapayagan at hindi pinapayagan sa panahon ng halalan.

Ipinaliwanag naman ni Malaya na ang mga ipinagbabawal na aktibidad ay depende sa Alert Level na umiiral sa isang lugar.

“So una depende yan sa alert level din. There are specific things that must be followed depending on the alert level,” anang opisyal.

Una nang sinabi ni Año na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang physical contact sa pagitan ng mga kandidato at mga botante sa panahon ng pangangampanya, kabilang dito ang pagkamay, pagyakap, beso-beso, arm-to-arm at iba pang uri ng physical contacts, gayundin ang pagse-selfie at distribusyon ng mga pagkain at inumin at iba pang items, lalo na ang cash.

Kung nasa Alert Level 1 naman ay walang limit sa bilang ng tao na maaaring isama sa kampanya, habang ang isang kandidato o campaign leader ay dapat na samahan lamang ng maximum na limang campaign support staff sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2.

Sa Alert Level 3 naman, ang kandidato o campaign leader ay maaaring magsama ng maximum na tatlong campaign support staff habang bawal naman ang ‘in person campaigning’ sa Alert Level 4 at 5.

Para sa mga caucus, meetings, conventions, rallies, at miting de avance, pinapayagan ang 70% ng operational capacity ng isang venue, maging indoor o outdoor man ito sa mga lugar na nasa Alert Level 1 habang 50% naman ang pinahihintulutan sa mga lugar na nasa Alert Level 2.

Sa Alert Level 3 areas naman, 50% ng operational capacity ng venue ang pinapayagan para sa enclosed outdoor venues habang 30% ng operational capacity sa Alert Level 4.

Samantala, lahat ng aktibidad ay mahigpit namang ipinagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 5. EVELYN GARCIA