WALANG tutol si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa sinusulong na paglalagay ng mga provincial jail sa pangangasiwa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ayon kay Sec. Año, susuportahan niya ang panukalang Senate Bill No. 1100 para isailalim sa jurisdiction ng BJMP ang lahat ng mga provincial jails sa buong bansa.
Sinabi pa ng kalihim na sadyang napapanahon ang panukalang paglilipat ng pamamahala ng mga kulungang panlalawigan sa BJMP at ito ay wastong hakbang lamang.
Paliwanag pa ng opisyal na sakaling ma-integrate na ang lahat ng mga kulungan, magkakaroon na ng isang standard implementation ng mga polisiya sa lahat ng mga kulungan.
Nabatid na 13 sa 74 provincial jails sa buong bansa ay kasalukuyang pinangangasiwaan na ng BJMP base sa memorandum of agreement sa pagitan ng LGUs at mga provincial government.
“Nararapat lamang na magkaroon ng matibay at pantay-pantay na pamamahala at pangangalaga ang ating mga kababayan sa ating mga bilangguan,” ayon pa sa kalihim.
Nabatid na ang Senate Bill No. 1100 na inakda ni Senator Ronald Dela Rosa ay magreresulta ng magandang pamamalakad sa mga kulungan sa ilalim ng mga trained BJMP personnel at ma-maximize ang lahat ng resources ng BJMP. VERLIN RUIIZ
Comments are closed.