(DILG sa LGUs) 1.4M BACKLOG SA VAX CERT RESOLBAHIN

INATASAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang mga local government units (LGUs) na agarang resolbahin ang 1.4 milyong backlogs sa pag-encode ng VaxCertPH.

Ang VaxCertPH ay ang official digital vaccination certificate program ng pamahalaan, sa Vaccination Information Management System (VIMS).

“This has long been an issue in our LGUs as we try to improve the inventory of Filipino citizens who have registered for VaxcertPH. We implore our LGUs to work double time in addressing their backlogs in the VIMS,” ani Abalos.

Batay sa datos, hanggang nitong Setyembre 22, ang VIMS na siyang official central database ng VaxCertPH ay mayroong backlog na kabuuang 1,460,582 vaccination records ng mga mamamayan.

Sinabi ni Abalos na sa naturang bilang, 334,317 ang dahil sa nawawalang record; 308,386 ang hindi nairekord dahil sa kakulangan ng manpower; 243,300 ang dahil sa late submission; 122,897 ang dahil sa incomplete data; 109,806 ang dahil sa missing data fields; 94,575 ang dahil sa operational at procedural issues; at, 75,831 ang dahil sa isyu ng internet connections.

Binigyang-diin pa ng DILG chief na ngayong ang VaxCertPH ay kabilang na sa itinuturing na most widely recognized vaccination certificates sa buong mundo, dapat na tiyakin ng mga LGUs na updated ang digital records ng kanilang vaccinated constituents.

Nauna nang nag-isyu ang DILG ng memorandum kung saan pinapaalalahanan ni Abalos ang lahat ng local chief executives (LCEs) at LGU VaxcertPH focal persons na ang vaccine records ng lahat ng vaccinated individuals ay dapat na ma-uploade sa VIMS sa araw mismo ng inokulasyon o pagbabakuna sa isang indibidwal.

“Kasabay ng pagbabakuna ay dapat ma-encode na ang mga impormasyon sa VIMS para maiwasan ang backlog,” dagdag pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA