DIOKNO TINANGGAP NA ANG DOF POST

HALOS kumpleto na ang economic team ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kung saan pamumunuan ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang Department of Finance (DOF).

“We talked about it and he has agreed,” sabi ni Marcos hinggil sa bagong posisyon ni Diokno bilang bagong finance secretary.

Binigyang-diin ng central bank chief, na kinumpirma ang kanyang pagtanggap sa posisyon, ang kahalagahan ng ‘policy continuity’.

“As Finance Secretary, I will strive to continue prudently and carefully balancing the need to support economic growth, on one hand, and to maintain fiscal discipline, on the other,” ani  Diokno.

Sinabi ni Marcos na si Felipe Medalla, isang long-time member ng Monetary Board, ang papalit kay  Diokno sa BSP.

Sina Medalla at  Diokno ay kapwa nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ni ousted president Joseph Estrada bilang Socioeconomic Planning at Budget secretaries, ayon sa pagkakasunod.

Sa pagtalaga kay Diokno bilang DOF head ay isang puwesto na lamang ang bakante sa bagong  economic team: ang budget secretary.

Nauna nang itinalaga ni Marcos sina Philippine Competition Commission chairman Arsenio Balisacan bilang head ng National Economic and Development Authority, ang posisyon na hinawakan din ng veteran economist sa administrasyon ni late Benigno Aquino III.