SOBRANG bumilib si Direk Louie Ignacio kay Ai Ai delas Alas sa pelikulang “School Service” na idinidirek niya para sa Cinemalaya 2018.
“Sobrang kakaibang Ai Ai ang mapapanood dito. Salbahe siya at nagmumura,” aniya.
Kung sa mga pelikulang “Tanging Ina” at iba pa, mapagmahal na ina na malaki ang puso sa mga bata, kabaligtaran daw dito si Ai Ai.
“Mean siya. Hindi iyong pa-martir. Dark iyong character niya na isang pulubi na naka-wheel chair at pisak ang mata na miyembro ng isang child-trafficking syndicate na involved sa kidnapping at pagbebenta ng mga bata pati na sa pagtutulak sa kanila sa pagpapalimos sa mga lansangan,” kuwento niya.
“Bilang Rita, galit siya sa mundo. Iyon ang dahilan kaya magalit siyang magalit dahil sa pinagdaanan niya sa kanyang buhay,” dugtong ni Direk Louie.
Say pa niya, ipinaliwanag daw naman niya kay Ai Ai na mabuti ang kanyang role bago niya ito tinanggap in principle.
“Sobra ang trust niya sa akin. Happy ako na ngayon hindi lang siya nakikila bilang isang komedyana kundi isang mahusay na drama actress,” aniya.
Ayon pa kay Direk Louie, favorite actress niya si Ai Ai dahil naidirehe na niya ito sa pelikulang “Area” na nagbigay kay Ai Ai ng kanyang kauna-unahang best actress award sa mga international film festivals tulad ng Asean International Film Festival sa Kuching, Malaysia, Queens World Film Festival sa New York City at Los Angeles Philippine International Film Festival sa California, USA.
Puring-puri rin niya ang pagiging trouper nito dahil hindi ito humingi ng special treatment nang mag-shooting sila sa maingay na lansangan sa Maynila.
“Wala siyang kaere-ere at walang reklamo. Kung nasa init kami sa sikat ng araw, ganoon din siya. Noong nag-check in kami sa isang hindi pang-star hotel, nandoon din siya, nakisama at walang reklamo,” paliwanag niya.
Kung napansin si AiAi sa pelikulang “Area”, malaki rin ang sampalataya ni Direk Louie na pag-uusapan ang performance ng komedyanang aktres sa nasabing pelikula.
Ang “School Service” na isa sa mga opisyal na kalahok sa full-length category ng Cinemalaya 2018 ay iprinudyus ng BG Films at nagtatampok din sa mga award-winners na sina Therese Malvar, Joel Lamangan at ipinakikilala ang bagong child wonder na si Celine Juan.
Maliban sa “School Service”, regular ang bonding nina AiAi at Direk Louie sa “Sunday Pinasaya” ng GMA 7.
DIREK EDUARDO ROY, JR. LUMIPAT SA TOFARM
PRODUKTO ng Cinemalaya ang magaling at award-winning director na si Edong Roy, Jr. (Pamilya Ordinaryo, Quick Change, Bahay Bata) kaya tuwang-tuwa siya na ang kanyang entry na “Lola Igna” na hindi natuloy sa Cinemalaya ay napansin sa Tofarm.
For the record kasi, lahat ng pelikulang idinirehe niya para sa Cinemalaya ay nanalo ng awards locally at abroad.
“Noong time kasi na iyon, I was not prepared. Feeling ko, masyadong malaki iyong concept for me that time, kaya ako nag-back out,” paliwanag niya.
Naging konsiderasyon din daw sa pagback-out niya ang budget nito.
Gayunpaman, masaya siya dahil tinanggap ito sa Tofarm filmfest.
Ayon sa kanya, wala raw naman siyang inilihim sa selection committee tungkol dito at hindi raw ito naging hadlang upang maikunsidera ang kanyang lahok.
Wala pang naiisip si Direk Edong na lalabas bilang lead star sa kanyang kalahok na “Lola Igna”.
“Baka maghanap uli ako. Halos lahat naman ng mga artista ko, non-actors. Walang malaking artista. Baka ganoon din ang mangyari rito,” pagbabahagi niya.
Bukod sa kuwento ng pinakamatandang katutubo sa isang tribu na layuning maging bahagi ng Guiness Book of World Records, ang Lola Igna ay tungkol sa pagdiriwang ng pagpanaw sa paningin ng isang matanda.
“It’s about aging gracefully and celebrating death. Usually, ‘di ba, kinatatakutan natin ang kamatayan, pero with this character, gusto niyang i-celebrate ang kanyang pagpanaw,” deklara niya.
Sa kanyang pagsali sa ToFarm, hindi raw naman ibig sabihin nito na ayaw na niyang lumahok sa prestihiyosong Cinemalaya.
Comments are closed.