DIRTY ICE CREAM PARA SA BIRTHDAY

BAKIT ba dirty ice cream ang tawag sa traditional ice cream, e hindi naman marumi? Pakakainin ba kayo ng nanay ninyo ng maruming pagkain? Pero sa totoo lang, napakasarap ng dirty ice cream kaya nga inaabangan ito ng mga bata kapag dumaraan sa tapat ng kanilang bahay. Kahit ako noong bata pa ako, inaabangan ko yan. At kahit ngayon, mas gusto ko ang traditional ice cream kesa commercial ice cream, kahit pa sa pinakamahal at pinakasikat na brand.

Madali lang po gawin ang dirty ice cream. Natutuhan ko po ang paggawa nito noong estudyante pa ako sa Athens University noong early 90s. Andami kasing gatas sa Greece, mura pa. Saka nami-miss ko ang lasa ng traditional ice cream, kaya naisipan kong gumawa. Dapat po, may gata ng niyog ang dirty ice cream pero walang niyog sa Greece kaya gatas na lang ang ginamit ko, at heto po ang resulta – tikman ninyo.

Heto po ang mga kailangang sangkap: isang tasa ng coconut milk o gata ng niyog, isang tasa ng white sugar, isang tasa ng cassava flour, apat na tasa ng mainit na tubig. Maghanda rin ng 400 grams na skim milk o yung gatas na ginagamit sa paggawa ng polboron. Kung wala nito, kahit anong powdered milk ay pwede na.  Maghanda rin ng isang kutsaritang vanilla at isa 200 grams na keso na hinati ng maliliit na cubes. Kung gusto ninyong kulayan, gumamit kayo ng dalawang patak ng food coloring. Kailangan din ng maraming yelo at maraming asin (rock salt).

Paraan ng paggawa:

Tunawin sa tubig ang cassava flour sa isang tasang tubig at isantabi muna. Pakuluan ang natitira pang tubig at pagkatapos ay ibuhos ang tinunaw na casava flour. Haluin hanggang sa lumapot. Patayin ang apoy ang mixture. Isantabi muna hanggang lumamig. Hati-hatiin na rin ang keso at isantabi. Tunawin ang gatas sa kalahating tasang mainit na tubig. Isantabi rin. Pwede rin pong gumamit ng condensed milk, pero bawasan po ninyo ang asukal upang hindi gaanong tumamis. Pero kung matamis ang inyong panlasa, pwede na ring hindi bawasan – depende po sa taste ninyo.

Ihanda ang dinurog na yelo. Lagyan ng maraming asin at ilagay sa isang timbang malaki. Ipatong dito ang pinalamig na cassava flour mixture. Hayaang lumamig ang mixture. Kapag malamig na, ihalo ang powdered milk at simulan na ninyong batihin ng mabilis. Mas maganda kung meron kayong hand mixer, pero kung wala, pwede na rin ang whisk, medyo mahirap nga lang dahil nakakapagod. Matagal po ang mixing pag mano-mano lang pero kung electric hand mixer, abot po ng 12 minutes. Kapag fully mixed na, aabot po ito sa dalawang gallon. Huwag pong kalilimutang ipatong ang mixture sa dinurog na yelo habang binabati ang mixture para mas umalsa. Pwede rin namang hindi, pero hindi po gaanong aalsa. Kapag maalsa na, ihalo na rin ang food coloring at keso. Haluin na lamang ito ng bahagya hanggang humalo ang keso sa ice cream.

Ilagay ang ice cream sa mga plastic containers na 5 grams each o ilagay sa dalawang galong plastic at takpang mabuti. Ilagay ito sa timbang may yelo at tabunan ng yelo o ilagay sa freezer sa loob ng apat na oras. Ready na po ang ating ice cream para ibenta.

Costing

Heto po ang costing natin. Sa coconut milk o gata ng niyog, P25; isang tasa ng white sugar, P5; isang tasa ng cassava flour, P5; 400 grams na skim milk, P30; isang kutsaritang vanilla, P2; 200 grams na keso, P42; food coloring, P2; P20; at rock salt, P10. Lahat-lahat, umabot sa P141 ang nagastos. Nakagawa po tayo ng 26 na small containers kaya kung kukwentahin natin, P5.50 po ang isa. Bawat plastic container ay piso at ang wooden spoon naman ay P.25 cents kaya abot sa P6.75 ang puhunan bawat isa. Pwede itong ibenta ng P12-15 kaya kikita tayo ng P240 sa mapagbibilhang P390. Nakalimutan ko palang idagdag ang P10 na labor cost kaya aabot lamang sa P230 ang ating kikitain, pero hindi na rin ito masama.

Magkita tayong muli sa mga susunod na labas ng Negosyo online sa Pilipino Mirror. Kung mayroon kayong mga tanong o may recipe kayong gustong ipa-feature, sumulat po lamang sa [email protected]. NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.