DISKARTE NG PINOY ENTREP ANGAT NGAYONG PANDEMYA

PINURI ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang ilang kahanga-hangang katangian ng mga Pilipino gaya ng pagiging madiskarte at hindi kailanman nauubusan ng pagsisikap at diskarte para lamang maitawid ang araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.

Sa kanyang pagsasalita sa “Kandidatalks program” na inorganisa ng Go Nego Show, sinabi ni Marcos na nagkaroon ng oportunidad ang ilang “independent suppliers” at “small entrepreneurs” na dumiskarte sa negosyo ngayong pandemic.

Aniya, maraming kompanya na may kinalaman sa paghahatid ng mga “essential goods” ang pinayagang mag-ope­rate noong lockdown na malaking bagay rin para sa mga consumer upang mabili ang kanilang pa­ngangailangan.

“People have changed their consumer habits. Now they are more prone to buy from independent suppliers than they were before, which gives us a lot of hope because the small businesses have an opening there, that’s a window of opportunity right there,” ani Marcos.

“We no longer choose ‘yung malalaking pangalan lang, kung bibili tayo ng electronics kailangan Sony, ‘pag pagkain, ‘yung mga sikat na lugar, mga sikat na fast-food chains. ‘Yung mga bagay-bagay na binibili natin ngayon, kung saan-saan na natin binibili, hindi na lang sa grocery, hindi na lamang sa supermarket, kung ‘di kung anong makita natin sa internet,” sabi pa nito.

Ang pahayag ni Marcos ay kinatigan din ng mga opisyales ng Department of Trade and Industry (DTI).

“There’s good news there, that entrepreneurship is alive in the country and that Filipinos are entrepreneurial. They find ways to earn, especially those who lost their jobs, so they shifted fast and now we’re seeing this growth,” ani Trade and Industry Sec. Lopez.

Bagaman maraming kompanya aniya ang nagsara, marami namang maliliit na negosyante ang nagbukas para makapaghanapbuhay at magbigay serbisyo ngayong pandemic.

Sinabi ni Lopez na base sa survey ng kanilang ahensiya, may 10 porsiyento ng mga business establishments ang nananatiling nakasara.

Sa nasabing bilang, 20 porsiyento nito ang permanente nang huminto sa kanilang operasyon.

Magkagayunman, nabatid sa datos ng DTI na nitong huling linggo ng Agosto ng kasalukuyang taon, kabuuang 2.08 million ang tumaas na registered businesses sa bansa mula sa 1.5 million na rehistradong bilang noong huling buwan ng taong 2019.

May lima hanggang anim na milyong entrepreneurs aniya ang nasa informal sector.

Sinabi ni Marcos na karamihan sa ating mga kababayan ay sadyang malikhain at madiskarte para makapagtayo ng kani-kanilang negosyo na tunay namang tinatangkilik ng mga parokyano.

“Maraming nawalan ng trabaho, may mga work-from-home, karamihan hindi makalabas dahil sa lockdown kaya ‘yung iba naghanap ng paraan para makapag-hanapbuhay. May mga nagluluto ng kung ano-ano, gumagawa ng iba’t ibang craft tapos ibebenta, lahat over the internet,” sabi pa ni Marcos.

Magkagayunman, binigyang-diin ng PFP standard-bearer na marami pang dapat na ilaang suporta sa kanila ang pamahalaan upang mapag-igi pa nang husto ang kanilang kagalingan at pangangailangan sa larangan ng kalakaran.

“There is a great deal of potential there. But it needs a lot of support. Most people are willing to try to be entrepreneurs. I find most Filipinos enterprising and they are ready to try something. Kung hindi umubra, next, try something else,” ani Marcos.