DISKARTE-TIPS SA PAGKAIN NGAYONG HOLIDAY

PAGKAIN-13

(ni CT SARIGUMBA)

PANAHON na naman kung saan kaliwa’t kanang pagkain ang nasa ating harapan. Mga walang kasing sarap na pagkain na napakahirap hindian. At sa sobrang sarap at dami, pani­guradong mapapakain tayo ng todo.

Wala nga namang makahihigit pa sa pagkain ng masasarap na putahe kasama ang buong pamilya. Mas lalo nga naman tayong nagkakaganang kumain. Ito rin ang mga pagkakataong pinagbibigyan natin ang lahat ng maibigan natin at sinasabi natin sa sari­ling “Pasko naman kaya okay lang ang kumain nang kumain”.

Ginagawang dahilan ng karamihan sa atin ang pagsapit ng Pasko o holiday upang pagbigyan ang sariling kumain, magpuyat, magtungo sa kaliwa’t kanang party at maging ang pag-inom ng mga nakalalasing na inumin. Oo nga’t minsan lang din naman natin itong ginagawa sa isang taon. Gayunpaman, sabihin man nating gusto nating pagbigyan ang kagustuhan ng ating mga sarili, mainam pa rin kung magkakaroon tayo ng diskarte-tips nang hindi maparami ang kain at maiwasang maging lumba-lumba pagkatapos ng holiday.

At dahil paniguradong  mahihirapan ta­yong pigilin ang ­ating sariling kumain ng marami o sobra ngayong holiday, narito ang ilang diskarte-tips na puwedeng isaalang-alang:

BANTAYAN ANG MGA KAKAININ

Natural naman talagang kapag may masasarap na putaheng nakahain sa ating harapan, lahat iyan ay nais nating tikman. Kung minsan din ay masyado tayong natutuwa sa mga pagkain at hindi na natin napapansing marami na pala tayong nakakain.

Masarap naman talaga ang kumain, gayunpaman ay bantayan natin ang mga klase ng mga pagkaing nilalantakan natin kapag holiday.

Mahirap namang matapos ang holiday at matapos mong pasayahin ang sarili mo sa pagkain ng masasarap ay magkasakit ka na-man. Malaking problema ang kahaharapin mo.

Kaya naman, ma­ging matalino tayo sa pagpili ng ating mga kakainin. Huwag magpapadala sa okasyon.

Piliin din ang mga pagkaing mainam sa katawan gaya ng prutas at gulay.

HUWAG IDAHILAN ANG HOLIDAY PARA KUMAIN NANG KUMAIN

May ilan sa atin na ang strategy ay hindi muna kakain ng marami bago mag-holiday. Kumbaga, kung puwedeng mag-skip ng pagkain, gagawin. Ang dahilan nila, mas mainam na ang kakaunti muna ang kakainin nang sa pagsapit ng holiday, maraming mapaglalagyan.

Maling-mali ang strategy o diskarteng ito. Habang pinipigil mo kasing kumain, mas lalo ka lang naeengganyong mapakain ng marami.

Oo, marami sa atin na idinadahilan ang holiday para pagbigyan ang sariling kumain nang kumain ng mga gusto nila.  Hindi ito magandang gawi o dapat na kahiligan.

Oo nga’t kakaiba o katangi-tangi ang holiday o Pasko. Espesyal ito para sa atin. Gayunpaman, kumain pa rin ng tama o naaayon nang mapanatiling malusog ang katawan.

MAGSUOT NG FORM-FITTING OUTFIT

Uso sa atin na kapag may pupuntahang pagtitipon o kainan, pinipili nating magsuot ng mga maluluwag na damit.

Hindi nga naman mahahalata lalo na kung kumain tayo ng marami.

Isang diskarteng puwede nating subukan ngayong holiday nang malimitahan ang pagkain ay ang pagsusuot ng mga damit na fit gaya ng dress na may belt o kaya naman, skinny jeans.

Sa ganitong paraan nga naman ay malalaman mo kung sobra-sobra na ang iyong nakakain dahil sisikip ang iyong suot.

GUMAMIT NG SMALLER PLATES

Magandang diskarte rin ang paggamit ng ma­liliit na plato sa pagkain nang hindi maparami ang kain ngayong holiday.

Ayon sa pag-aaral, nakatutulong upang malimitahan ang pagkain kung gagamit ng mas maliit na plato. Kaya naman, ngayong holiday o sa kahit na anong handaan, piliin o gumamit ng mas maliit na plato. Kumain lang din ng tama. Kumbaga, huwag kakain ng sobra na tila ba halos hindi na makahinga sa kabusugan.

Marami naman talagang paraan upang ma­ging healthy tayo kahit na sabihing kaliwa’t kanang pagkain ang nasa ating harapan. At ang mga ibinahagi namin sa inyo ay ilan lamang sa paraan o diskarteng puwedeng subukan. (photos mula sa ufmcpueblo.com, active.com)

Comments are closed.