(DOF handa nang ipatupad ang bagong batas) ECONOMIC SABOTAGE WAWAKASAN NA

MAGWAWAKAS na ang paglaganap ng smuggling, cartel, profiteering at hoarding ng mga produktong pang-agrikultura matapos ianunsiyo ni Finance Secretary Ralph G. Recto na handa na ang Department of Finance (DOF), kasama ang Bureau of Customs (BOC), para ganap na ipatupad ang bagong batas laban dito upang matiyak ang seguridad sa pagkain ng mga Pilipino.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang batas ang Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act noong Setyembre 26.

Pinalawak nito ang saklaw ng mga ilegal na aktibidad na itinuturing na economic sabotage na kinasasangkutan ng mga produktong agrikultural na hindi sakop ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Sa ilalim ng batas, ang mga produktong agrikultural ay sasakupin na rin ang mga produktong pang-livestock, produktong aquatic at tabako.

“The new law gives more teeth to the government to relentlessly run after smugglers whose illegal activities undermine our farmers, fisherfolk, and consumers. Through a stronger and stricter crack down on these offenders, we protect our people’s access to affordable goods and boost our revenue collections, which will allow the government to provide more essential public services to Filipinos,” ayon sa Finance Secreatary.

“It sends a very strong message to smugglers, hoarders, and profiteers that their days of unscrupulous activities are numbered,” dagdag pa niya.

Ang mga salarin ngayon ay mahaharap sa parusang habambuhay na pagkakulong at multa na limang beses ng halaga ng mga produktong agrikultural at pangisdaan na saklaw ng krimen.

Binibigyan ng RA 12022 ng kapangyarihan ang ahensiya na magsagawa at ipatupad ang Letter of Authority upang kumilos laban sa mga korporasyon o entidad na sangkot sa mga gawaing itinuturing na economic sabotage.

Ipinaliliwanag din nito ang mga malinaw na pamantayan para tukuyin at parusahan ang nasabing mga ilegal na gawain.

“This Act will not only help the BOC penalize those who violate the law but will also act as a clear deterrent to future offenders. We are committed to holding economic saboteurs fully accountable for their actions.” ani BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

“The Bureau reaffirms its commitment to ensuring the provisions of the Act are fully implemented to stabilize agricultural prices and protect local industries” dagdag pa niya.

Kaugnay ng batas na ito, nagpatupad ang BOC ng iba’t ibang estratehiya upang paigtingin ang kanilang mga hakbang laban sa agricultural smuggling.

Kabilang dito ang pagpapabuti ng intelligence coordination, paggamit ng teknolohiya para sa mas mahusay na kontrol sa mga hangganan at mas mahigpit na pagpapatupad ng mga legal na hakbang.

Mula Enero 2023 hanggang Agosto 2024, nagsagawa ang BOC ng 1,803 matagumpay na operasyon ng pagkumpiska laban sa agricultural smuggling na may tinatayang halaga na P3.70 bilyon.

RUBEN FUENTES